MAKARAANG matuklasan ang pagpatay sa limang miyembro ng isang pamilya — sa maybahay ng isang security guard, kanyang biyenan, at tatlong anak — sa isang subdibisyon sa San Jose del Monte, Bulacan noong nakaraang buwan, inaresto ng mga pulis ang isang obrero at inamin nito ang krimen. Iprinisinta ng pulisya sa mga mamamahayag, sinabi niyang bangag at lasing siya at ang ilan niyang kasabwat nang patayin nila ang dalawang babae at tatlong bata sa loob ng bahay ng mga ito noong Hunyo 27.
Dahil sa massacre, muling nabuhay ang interes ng publiko sa kampanya ng gobyerno kontra droga, na dinaig ng mga balita tungkol sa krisis sa Marawi sa nakalipas na mga linggo. Sinabi ng mga opisyal ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na ang massacre sa Bulacan ay isang halimbawa kung bakit dapat na ibalik ang parusang kamatayan sa mga napatutunayang sangkot sa droga.
Subalit nagnegatibo ang suspek sa paggamit ng droga, at pagkatapos nito ay binawi niya ang nauna niyang pahayag, partikular ang pag-amin sa krimen. Sinabi niyang pinahirapan siya ng mga pulis upang aminin ang pamamaslang.
Itinanggi naman ng pulisya ang alegasyon at iginiit na hindi makaaapekto ang pagnegatibo ng suspek sa droga sa mga kaso ng pagpatay na inihain ng pulisya sa piskalya ng San Jose del Monte.
Mas naging kumplikado pa ang sitwasyon sa mga sumunod na nangyari. Isa-isa at magkakasunod na pinaslang ang tatlong lalaking iniuugnay sa massacre at tinutugis ng pulisya. Ang isa sa mga bangkay ay natagpuan sa isa pang subdibisyon sa San Jose del Monte at may karatula itong nasusulatan na ang lalaki ay adik sa droga at hindi dapat gayahin. Ang ikalawa ay pinagbabaril ng ilang lalaki makaraang pasukin sa kanyang bahay. Ang isa pa ay natagpuang patay habang nakabalot ng masking tape ang ulo at may karatula ring nagsasaad na adik at rapist ito.
Ano ang ibig ipakahulugan ng mga insidenteng ito na nangyaring magkakasunod at walang malinaw na dahilan? Ang orihinal na krimen — ang pamamaslang sa limang magkakaanak — ay malinaw na hindi pa nareresolba matapos na bawiin ng suspek ang pag-amin niya sa krimen at akusahan ang mga pulis ng pagpapahirap sa kanya. Sa una ay inamin niya ang krimen at sinabi niyang epekto iyon ng pagkalulong niya sa droga. Subalit nagnegatibo siya sa paggamit ng droga.
Tinangka naman ng PDEA na gamitin ang kaso upang humikayat ng suporta sa kampanya para buhaying muli ang parusang kamatayan sa mga kaso ng pagpatay sa impluwensiya ng droga. Gayunman, nailantad din ng kasong ito sa Bulacan ang panganib na kaagad mahatulan ng kamatayan ang isang inosenteng tao, at sakaling umiiral na ang parusang kamatayan, ay mabilisang maparusahan ng kamatayan.
Kailangang matukoy ang ugat ng kasong ito. Nariyan ang pangangailangang malaman ang dahilan sa pamamaslang sa dalawang babae at tatlong bata, at sa sunud-sunod na pagpatay sa tatlong lalaki na una nang tinukoy bilang mga suspek sa krimen.
Bagamat may ilang naniniwala na makatutulong ang parusang kamatayan upang maiwasan ang kriminalidad, maraming iba pa ang naninindigang ang mabilisang pagresolba sa mga kaso at ang agarang pagtugon dito ng hudikatura ang tunay na makatutulong upang maiwasan ang krimen sa alinmang lipunan.