Ni: Marivic Awitan

PORMAL na inilabas kahapon ng NCAA management committee (Mancom) ang desisyon na i-forfeit ang naitalang 69-65 na panalo ng University of Perpetual Help kontra College of St. Benilde dahil sa paggamit ng maling uniporme ng Altas.

Binawi ang panalo ng Altas dahil sa suot nitong “dark uniform” gayong nakatalaga silang magsuot ng “light uniform” na malinaw na paglabag sa panuntunan ng liga.

“Any athlete whose playing uniform does not conform with the rules, first offense is ineligible to participate in a given game,” nakasaad sa statement ng ManCom na pinamumunuan ni Fr. Glynn Ortega, OAR, ng host San Sebastian bilang chairman.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Malinaw na nakasaad sa “rule” na ang sinumang lalabag dito ay hindi puwedeng makalaro, ngunit pinayagan pa rin ang Altas na makalaro.

Dahil sa nasabing desisyon, nakuha ng Blazers ang panalo sa season opening.

Ganito rin ang ginawa sa Junior Altas na nabigo naman sa Junior Blazers, 60-64.

Ito na ang ikalawang pagkakataon na nanalo ang Blazers sa liga sa bisa ng ‘forfeiture’.

Nagawa rin nilang manalo noong 2008 nang bawiin sa kalaban ang panalo ng San Beda dahil sa maling patch na nakadikit noon sa uniporme ng manlalaro nilang si Sam Ekwe.