Ni REGGEE BONOAN

PINATUNAYAN at pinanindigan ng Society of Philippine Entertainment Editors (SPEEd) na kaya nilang bumuo ng bagong award-giving body na tinawag nilang The Eddys: Entertainment Editors’ Awards na kikilala at magbibigay inspirasyon sa pinakamahuhusay na mga artista, direktor, scriptwriter at iba pang mga manggagawa sa pelikulang Pilipino.

Alas siyete ng gabi ang nakalagay na imbitasyon at inisip namin na late itong magsisimula tulad ng kinagawian sa lahat ng awards night na dinadaluhan namin, lalo na kung wala pang mga artistang dumarating.

LORNA AT CHRISTOPHER

Human-Interest

Una at pinakabatang Pinoy na nakalibot sa buong mundo, may payo sa future travelers: 'Learn Skills!'

Mabuti pala’t nagtanong kami kung anong oras magsisimula dahil sinunod ang schedule kaya eksaktong 8 PM talaga sinimulan ang programa. Dumating kami ng 8:10 sa Kia Theatre nitong nakaraang Linggo, kaya tapos na agad ang opening production number nina Nadine Samonte at James Reid. Ang nasa entablado ay si Ms. Mylyn Jacobo, ang isa sa mga domestic helper sa Hong Kong na napanood sa Sunday Beauty Queen, ang binigyan ng parangal bilang Best Documentary Film.

Touching ang pagtanggap ng award at pinalakpakan nang husto si Mylyn sa kanyang thank you speech lalo na nang sabihing hindi niya sukat akalain na isa lang siyang DH, pero heto at nakatayo siya sa harapan ng mga pinagpipitaganang entertainment editors ng iba’t ibang diyaryo.

Pantay-pantay ang lahat ng tao sa paningin ng Diyos pero nagkakataon na nagkakaiba-iba lang ng napupuntahang trabaho, kaya hindi dapat minemenos lalo na’t batid naman ng lahat na may pagkukulang ang ating gobyerno sa paglikha ng mga trabaho para sa lahat ng mamamayan.

Pasabog uli ang ikalawang award na ibinigay ng Eddys, Best Supporting Actor at Best Supporting Actress kaagad, presenters sina Richard Gutierrez at Sarah Lahbati, na pinanalunan nina John Lloyd Cruz (para sa Ang Babaeng Humayo) at Angel Locsin (Everything About Her). Pero wala sila sa event, at wala namang ibinigay na anumang dahilan ang tumanggap ng kanilang mga tropeo na si Ms. JD Ching ng Star Cinema -- na inalalayan ni Luis Manzano paakyat ng entablado. Umugong sa loob ng teatro dahil inakala ng lahat na si Angel ang aakyat sa stage.

Pagkatapos ay commercial break, kaya panay ang sigaw ng fans sa balcony section ng pangalan ni Angel at dedma lang si Luis na parang walang naririnig. Understandable naman, dahil may iba na siyang karelasyon ngayon.

Ikalawang production number sina Ella Cruz at Julian Trono. Narinig naming komento ng aming katabi sa upuan, “Si Ella, parang taga-Girltrends (It’s Showtime dancers), si Julian puwedeng Hashtag.” Maraming fans ang narinig naming sumisigaw ng pangalan nina Ella at Julian.

Sumunod na presenter, ng Best Musical Score at Best Sound, ang cast ng action movie ng Viva Films na Double Barrel, sina AJ Muhlach, Phoebe Walker at Ali Khatibi. Napagkamalan ng lahat na si Cristine Reyes ang kasama ni Ali dahil kahawig daw noong maiksi pa ang buhok.

Presenters naman ng Best Editing at Best Production Design si JC Santos at si Bela Padilla na ikinagulat ng lahat dahil sobrang taba o baka masikip lang ang suot na long gown dahil panay ang hila niya pababa dahil may hati sa gitna at nasisilipan na siya.

Ikatlong production number ang FPJ’s Ang Probinsyano cast na sina Arjo Atayde at Yassi Pressman na pagkalakas-lakas ng hiyawan ng audience na sabay-sabay naglabas ng cellphone para i-video ang kanilang dance number.

Marami ang pumuri sa dalawa, bagay daw silang dance partners sa ASAP at bigyan daw sana ng showdown. Puring-puri ng editors si Arjo na bukod sa magaling at charming palang sumayaw (hindi nila inakala dahil ang napi-picture nila ay si Joaquin Tuazon na mamamatay-tao sa Probinsyano), nalaman nila na nag-postponed ng flight papuntang bakasyon sa US mapagbigyan lang ang imbitasyon nila na mag-perform ito sa kanilang big night.

Malakas na palakpakan ang ibinigay ng lahat pagkatapos ng dalawang minutong sayaw nina Yassi at Arjo. At ang sabi ng iba, ‘bitin’ ang sayaw.

In full support naman ang mga anak ng binigyan ng special award as Movie Producer of the Year na si Mother Lily Monteverde. Abut-abot ang pasasalamat ni Mother Lily sa SPEEd na lagi raw nakasuporta sa lahat ng projects niya simula pa nang itayo niya ang Regal Films six decades ago. Nagtatanungan tuloy ang mga katabi namin kung ilang taon na ang Regal matriarch.

Walang pasubali na mahal na mahal din naman ni Mother Lily ang entertainment press dahil kumita man o hindi ang mga pelikula niya ay hindi siya nakalilimot na magpasalamat. At higit sa lahat, lagi niyang kasama ang press sa lahat ng Regal gatherings, Pasko, kaarawan niya o ng sinuman sa pamilya niya.

After Mother Lily, ang mahuhusay na emcee rin na sina Edu Manzano at Martin Nievera ang presenters ng Joe Quirino Award na si Boy Abunda ang recipient.

Bahagyang tumahimik ang lahat nang tanggapin ni Direk Maryo J. de los Reyes ang Posthumous Award para sa namayapang filmmaker at scriptwriter na si Joaquin ‘Jake’ Tordesillas. Sabi ni Direk Maryo, kasalukuyan pa rin silang nagdadalamhati sa pagpanaw ng miyembro ng pamilya nila (partner sila for 45 years) kasama ang kapatid na babae ni Sir Jake.

Binigyan din ng tribute nina Martin Nievera, Morisette Amon, Klarisse de Guzman at Ogie Alcasid ang namayapang henyong kompositor na si Willy Cruz. Kinanta nila ang ilan sa napasikat nitong mga awitin na ayon sa millenials na nanonood, “Ay, si Willy Cruz pala ang sumulat nu’n!”

Samantala, eksaktong 9:30 PM ay tapos na ang event na nagustuhan ng lahat dahil napakabilis ng pacing at hindi katulad sa ibang award-giving bodies na nahihilo ka na sa gutom at antok dahil sa tagal.

Kaya halos lahat ng mga nanood sa Kia Theatre ay binati ang members ng SPEEd sa napakasimple pero rock na presentation ng una nilang Eddys Awards. Sana ay tularan din ng ibang award-giving bodies ang ganito kabilis at walang dahilan para paghintayin ng matagal ang mga bisitang manonood.

Maging ang production design sa stage ay napakasimple rin kaya naman mas maganda at malinis tingnan sa malayo at sa TV camera. Pati ang mga taong nasa likod ng production na pinamahalaan ng Viva Live ay maayos at kung mayroon mang sablay ay napaka-minimal na nanggaling pa sa mga artistang hindi siguro nakinig sa briefing.

Sana sa ikalawang taon ng Eddys Awards ay dumalo na ang mga nominadong artista tulad din ng pagdalo nila kapag may presscons o projects silang ipo-promote na humihingi sila ng tulong sa entertainment editors/writers para isulat sila.

At dito namin mapupuri si Ms. Nora Aunor na kahit hindi siya ang nagwagi bilang Best Actress, dahil tinalo siya ng kanyang Kumareng Vilma Santos (Everything About Her) ay dumating at masaya pa ring umalis ng Kia Theater. Wala rin ang mga nominado for Best Actor, kaya hindi rin personal na natanggap ni Paolo Ballesteros (Die Beautiful) ang kanyang tropeo.

Marami pang dapat tularan sa Eddys Awards ang ibang award-giving bodies, lalo na ang winners na sa mismong gabi ng parangal na lang nalalaman dahil pagkatapos ng botohan ay idiniretso na kaagad sa accounting firm na humawak ng tabulation.

Kaya pala maging silang mga miyembro ng SPEEd ay nagkagulatan sa nanalo sa bawat kategorya. Ang ganda-ganda kasi walang leakage.

For playful take, naririto ang nakakatuwang kuwentuhan ng SPEEd members tungkol sa resulta ng kanilang unang awards night:

Wagi sa Eddys ang ex nina Edu at Luis. Nanalo pareho for Everything About Her na idinirehe ni Bb. Joyce Bernal sina Ate Vi at Angel.

Naririto ang kumpletong listahan ng mga nanalo:

Best Documentary: Sunday Beauty Queen

Best Supporting Actor: John Lloyd Cruz

Best Supporting Actress: Angel Locsin

Best Musical Score: Everything About Her

Best Sound Design: Seklusyon

Best Theme Song: Saving Sally

Best Visual Effects: Seklusyon

Best Editing: Die Beautiful

Best Production Design: Die Beautiful

Best Cinematography: Seklusyon

Best Screenplay: Everything About Her

Eddys Posthumous Awardee: Jake Tordesillas

Best Actor: Paolo Ballesteros

Best Actress: Vilma Santos

Best Director: Lav Diaz

Best Picture: Ang Babaeng Humayo

Special Awards

Joe Quirino Awardee: Boy Abunda

Manny Pichel Award: Lav Diaz

Producer of the Year: Lily Monteverde

Ang The Eddys: Entertainment Editors Awards ay mapapanood sa Hulyo 16, Linggo sa Sunday’s Best ng ABS-CBN pagkatapos ng Gandang Gabi Vice.

[gallery ids="253770,253769,253768,253767,253766,253761,253762,253763,253765,253760,253759,253758,253757,253756,253755"]