Nina GENALYN D. KABILING at ELLSON A. QUISMORIO

Hindi kumporme ang militar sa pagpapalawig sa batas militar ng hanggang limang taon, gaya ng iminungkahi ni House Speaker Pantaleon Alvarez.

Sinabi ni Armed Forces of the Philippines (AFP) spokesman Brig. Gen. Restituto Padilla Jr. na hindi niya alam kung ano ang basehan ni Alvarez sa ipinanukala nito, ngunit naniniwala siyang “too long” ang limang taon pang pagpapatupad sa martial law.

“Actually, five years may be too long for the moment,” sinabi ni Padilla sa ‘Mindanao Hour’ briefing sa Malacañang kahapon.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Sa ngayon, sinabi ni Padilla na sinimulan na ng militar ang assessment sa sitwasyong pangseguridad sa Mindanao, partikular sa Marawi City, at isusumite nila kay Defense Secretary Delfin Lorenzana “in a few days” ang rekomendasyon kung palalawigin o hindi ang batas militar, at ang kalihim ang magsusumite ng report sa Pangulo.

“The Armed Forces, before it makes its recommendation to the Commander-in-Chief must have enough basis—an intelligent basis—to make whatever recommendations there is for the extension or the lifting,” ani Padilla.

PERSONAL OPINION

Kaugnay ng panukala, nilinaw kahapon ng Palasyo na tanging si Pangulong Rodrigo Duterte lamang ang magdedesisyon sa pagpapalawig sa batas militar, at hindi si Alvarez.

“Speaker Alvarez has clarified that his remarks to extend martial law until 2022 is his personal opinion,” paglilinaw kahapon ni Presidential Spokesman Ernesto Abella. “Extending martial law is the decision of the President which PRRD said would rest on the assessment and the recommendation of the Armed Forces of the Philippines, the Philippine National Police (PNP) and other stakeholders of the Marawi situation.”

Napaulat na sinabi ni Alvarez na isusulong niyang palawigin ang martial law hanggang 2022, o hanggang sa matapos ang termino ng Pangulo, upang tiyaking matutuldukan na ang problema ng terorismo at rebelyon sa Mindanao.

Sa nasabing ring press briefing, kumpiyansang sinabi ni Padilla na nagawa ng puwersa ng gobyerno na mapigilan ang Maute Group sa pagsasagawa ng malawakang pag-atake sa loob at labas ng Marawi.

“So, overall, napapangalagaan natin ‘yung security ng buong isla ng Mindanao at lahat ng buong Pilipinas,” ani Padilla. “We continue to gain headway in our operations on the ground.”

PAGBOTOHAN SA SONA

Samantala, sinabi ni Kabayan Party-list Rep. Harry Roque, miyembro ng minority block, na maaaring palawigin na mismo ni Pangulong Duterte ang batas militar sa pagpunta nito sa Batasang Pambansa sa Hulyo 24 para sa ikalawa nitong State of the Nation Address (SONA).

Aniya, maaaring magsagawa ng joint session ang mga kongresista at senador sa araw na iyon upang pagbotohan kung palalawigin o hindi ang 60-araw na martial law sa Mindanao.

Hulyo 23 mapapaso ang batas militar na idineklara ng Presidente noong Mayo 23, ilang oras makaraang salakayin ng Maute ang Marawi.

“If I’m the President or the leadership, which I’m not, I’ll do it (humiling ng extension) during the SONA. Because they (mga mambabatas) are already together and there is no prohibition [sa Konstitusyon],” sinabi ni Roque sa press conference kahapon.