Ni Argyll Cyrus B. Geducos

Dahil kilala si Pangulong Duterte sa pagiging diretso sa kanyang mga talumpati, pinag-iisipan ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) na mag-hire ng interpreter na nakaiintindi ng English, Filipino, at Bisaya para sa ikalawang State of the Nation Address (SONA) ng Pangulo sa Hulyo 24.

Sa panayam sa DZBB kahapon, sinabi ni Communications Secretary Martin Andanar na ito ay upang maiparating nang tama ang mensahe ng Pangulo sa mga miyembro ng Diplomatic Corps.

“We are also thinking of hiring interpreters. Minsan kasi bini-Bisaya ni Presidente, minsan tina-Tagalog so baka hindi nila maintindihan,” sabi ni Andanar. “Most likely mayroong iba nakakaintindi rin ng Tagalog pero most of them English talaga ang second language. So we are thinking of hiring.”

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Gaya ng dati, maagang bibigyan ang mga interpreter, na magsasalita sa earpiece translators ng foreign dignitaries, ng kopya ng talumpati ng Pangulo.

“’Di ba minsan nag-o-off the cap si Presidente? Kung iyong interpreter mo ay marunong mag-Bisaya, mag-Tagalog, mag-English, mag-Chinese eh ‘di mas maganda ‘di ba? Mas madaling maintindihan,” sambit ni Andanar.

Sinabi rin ni Andanar na hindi pa rin siya sigurado sa laman ng talumpati ng Pangulo dahil patuloy pa nila itong tinatapos.

“Hindi ko masasabi kung ‘yung SONA natin ay magiging talumpati tungkol sa mga na-accomplish niya sa mga nagdaang 365 days and more. Hindi ko rin sigurado kung ito ba ay puro topic tungkol sa lalamanin na susunod na ikalawang taon ng Pangulo,” aniya.