AYON sa isang ulat mula sa Vietnam kamakailan, bumoto ang konseho ng Hanoi City upang ipagbawal ang mga motorsiklo sa siyudad pagsapit ng 2030. Inaprubahan ang nasabing hakbangin ng 95 sa 96 na konsehal sa dalawang dahilan — para sa kapakanan ng kalikasan at upang mapaluwag ang trapiko.
Sa sitwasyong pangkalikasan, nakapagtala ang lungsod ng 282 araw — sa kabuuang 366 — noong 2016 ng “excessive levels” ng maliliit na particulate matter sa hangin na nakasasama sa kalusugan ng tao. Sa usaping trapiko, nasa 12 porsiyento lamang ng mga biyahe sa Hanoi ang napupunan ng mga bus sa siyudad. Wala rin itong mga elevated na tren; karamihan sa mga nagtatrabaho sa lungsod ay bumibiyahe sakay sa mga kotse at motorsiklo. Noong 2016, 750 sasakyan ang nabenta bawat araw, bukod pa sa 8,000 motorsiklo.
Ang ulat sa Hanoi ay nagpapaalala sa atin ng sarili nating suliranin sa trapiko sa Metro Manila na matagal nang pinoproblema ng maunlad na rehiyon, ng mga residente nito, mga negosyo at industriya, mga eskuwelahan at tanggapan, at mga lokal na pamahalaan. Gaya ng Hanoi, napakarami ring sasakyan sa Metro Manila, karamihan ay mga pribadong kotse, at may partikular na oras sa maghapon na nakikisiksik pa ang naglalakihang truck na bumibiyahe mula sa port area sa Maynila patungo sa mga industriya sa iba’t ibang dako ng Metro Manila. Noong 2016, ayon sa organisasyon ng mga gumagawa ng sasakyan at truck, nasa 359,562 sasakyan ang nabenta, karamihan ay sa Metro Manila.
Nang magsimula ang administrasyong Duterte noong Hunyo 2016, malaki ang pag-asam na sa wakas ay mareresolba na ang problema sa trapiko sa pamamagitan ng mas maigting na pagpapatupad ng batas-trapiko, pinabuting serbisyo ng Light Rail at Metro Rail Transit, pagkakaroon ng mga bagong kalsada at overpass, at paglulunsad ng komprehensibong plano para sa mga pampasaherong jeepney at bus.
Binalangkas ng Department of Transportation ang planong ito ngunit nangangailangan ng special emergency powers upang matulungan ang gobyerno na masolusyunan ang ilang suliranin sa pagkakaloob ng prangkisa, paglilipat sa mga terminal ng sasakyan, at pagpapatupad ng mga batas trapiko na magkakaiba sa bawat siyudad sa Metro Manila. Hindi pa napagbibigyan ng Kongreso ang hinihiling na emergency powers at sinabi na ni Secretary Arthur Tugade na pansamantala, kailangang kumilos siya upang maisakatuparan ang kanyang makakaya batay sa kasalukuyang kondisyon.
Mayroon namang mga pagbabago; ang biyaheng dati ay inaabot ng dalawang oras ay nakukumpleto na ngayon sa loob ng isa’t kalahating oras — minsan. Bahagi ng dahilan dito ang pag-agapay ng publiko at ng mga tanggapan sa oras at araw ng trabaho. Marami na ring kalsada ang nalinis na sa mga nakaparadang sasakyan at sa iba pang istorbo. Nagagamit na rin sa ating mga riles sa mas mahahabang tren at mas marami na rin ang biyahe.
Mahalaga ang kahit mumunting pagsisikap upang maibsan ang pagsisikip ng trapiko sa Metro Manila. Hindi marahil kasing seryoso ng problema ng Hanoi sa trapiko ang suliranin natin sa Metro Manila ngunit ang iminungkahi nitong solusyon — ang ipagbawal ang mga motorsiklo—ay karapat-dapat nating ikonsidera. Maaaring hindi pa natin maipatupad sa ngayon ang ilang bersiyon ng ban na ito upang mabawasan ang mga sasakyang nagsisiksikan sa mga kalsada. Sa pagsasama-sama sa mga ito, ang lahat ng mga plano at hakbangin, malaki man o maliit, ay bubuo ng isang kumprehensibong solusyon na magbibigay-tuldok sa matagal nang problema sa trapiko sa Metro Manila.