Ni: Bert de Guzman

KINATIGAN ng Supreme Court (SC) ang pagdedeklara ni President Rodrigo Roa Duterte (PRRD) ng martial law sa buong Mindanao dahil sa pag-atake ng teroristang Maute Group (MG) na inspirado ng ISIS (Islamic State of Iraq and Syria) sa Marawi City, na nagbunga sa pagkamatay ng mga sundalo, pulis, sibilyan, at pagka-displace ng mahigit 200,200 residente ng Marawi.

Sa 82 pahinang desisyon ng SC na inisyu noong Miyerkules, ipinaliwanag nito kung bakit ang Proclamation 216 (Martial law declaration sa Mindanao) at suspensiyon ng writ of the habeas corpus ay constitutional. Naniniwala ang Korte Suprema na ang rebelyon na inilunsad ng MG, sa tulong ng Abu Sayyaf Group (ASG) ni Isnilon Hapilon, ay nakaapekto sa buong Mindanao kaya tama lamang ang deklarasyon ng martial law ni PRRD.

Binanggit ng SC ang mga pambobomba sa Davao, Cotabato at iba pang lugar sa Mindanao; ang terorismo sa Sulu, Basilan at Tawi-Tawi; ang Zamboanga City siege; ang pagmasaker sa SAF 44 commandos sa Mamasapano, Maguindanao; at ang pagdukot sa mga dayuhan at lokal na turista. Sa botohang 11-3-1, natamo ni Mano Digong ang pagsang-ayon ng Mataas na Hukuman.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Maging si Pres. Rody ay nag-ala-Erap na rin sa kanyang “Weder-Weder” na komento tungkol sa pagkatalo ni boxing icon Manny “Pacman” Pacquiao. Bilang “pakikiramay” kay Pacman sa kontrobersiyal na pagkatalo kay Australian boxer Jeff Horn sa Battle of Brisbane noong Hulyo 2, ganito ang ibinulong niya sa boxer-senator: “Pana-panahon lang ‘yan senator. Weather-weather lang ang buhay.” Sa talumpati ni Mano Digong sa pagbisita niya sa 102nd Infantry Brigade, 10th Infantry Division ng Philippine Army sa Camp Brig. Gen. Herminigildo A. Agaab sa Sarangani, inalo ng Pangulo si Pacquiao na masama ang loob sa pagkatalo dahil sa maling desisyon ng referee at ng tatlong judge.

Nais ng Pambansang Kamao na magkaroon sila ng rematch ni Jeff Horn, maliwanag na tinalo niya batay sa statistics ng computer box, pero ipinatalo naman ng referee at ng mga judge. Ang gusto ni Manny ay ganapin ang Pacquiao-Horn II sa Pilipinas. Gayunman, kung hindi papayag ang manager ni Horn, handa si Pacman na muling sagupain ito sa Brisbane.

Maging si PRRD ay pabor sa rematch.

Malagim ang sinapit ng Carlos Family sa San Jose del Monte, Bulacan. Minasaker ng mga demonyong bangag sa droga o lasing ang limang miyembro ng kanyang pamilya habang siya ay nasa trabaho. Malungkot na malungkot si Dexter Carlos Sr., ang padre de-pamilya. Dinalaw siya ni Pangulong Duterte, binigyan ng P275,000 at isang bahay. Nagbanta si Mano Digong na kahit saan magtago ang mga salarin, tiyak na hahanapin niya. Sa huling ulat (as of July 6), dalawang suspek na ang napatay. Itinanggi ni Gen. Bato na utos ito ng Pangulo.

Siyanga pala, nahaharap sa ethics complaint ngayon si Justice Sec. Vitaliano Aguirre sa Office of the Ombudsman na inihain ng iba’t ibang youth groups dahil umano sa pagpapakalat ng “fake news” o maling impormasyon (misinformation) sa publiko. Hinihiling ng mga grupo ng kabataan na imbestigahan at tanggalin si Aguirre sa puwesto sa paglabag sa RA 6713 o Code of Conduct and Ethical Standard for Public Officials and Employees. Sec Aguirre, sagutin mo ang paratang ng youth at student leaders na kabilang sa Millenials Against Dictators (MAD)!