Ni Argyll Cyrus B. Geducos

Ipinagkibit-balikat lamang ni Pangulong Duterte ang napakataas na rating na nakuha niya sa huling Social Weather Stations (SWS) survey, sinabing ginagawa lamang niya ang kanyang trabaho.

Sa maikling panayam na napanood sa Facebook page ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Assistant Secretary Margaux Uson, binigyang-diin ni Duterte na wala siyang anumang agenda sa paglilingkod.

“Basta ito lang sabihin ko: I ran for the presidency to serve the Filipino people. Period. Wala akong agenda, wala akong lahat,” ani Duterte.

'Iconic women!' Pinakamalaki at pinakamaliit na babae sa buong mundo, nagkita!

Sa nasabing panayam, binigyang-diin din ng Presidente na hindi niya kukunsintihin ang kurapsiyon, at iginiit na ang sinumang masasangkot at dapat na sinisibak kaagad at hindi basta sinususpinde lamang.

“And that is why you can expect ‘yung corruption, ‘yung kalokohan—hindi ko man mahuli lahat pero I will not tolerate it. Not during my term,” anang Pangulo. “At tsaka ang akin [ang parusa sa kurapsiyon] is always dismissal. I will not be satisfied with just mga suspensiyon. Umalis ka talaga.”

Matagal nang hindi partikular sa mga rating, nakakuha si Pangulong Duterte ng “very good rating” at pinakamataas na satisfaction rating sa unang taon niya sa puwesto, batay sa resulta ng SWS survey.

Sa second quarter SWS survey nitong Hunyo 23-26, natukoy na 78 porsiyento ng mga Pilipino ang kuntento sa kanyang pagtupad sa tungkulin.

BIGO NA NAMAN

Samantala, sa gitna ng matinding pagnanais ni Duterte na makadalaw sa Marawi, muling siyang nabigong makabisita sa siyudad nitong Biyernes ng hapon—muli, dahil sa masamang panahon.

Nakasuot ng military fatigues, napilitan si Duterte na dumiretso na lamang sa pagbisita sa mga sundalo sa 2nd Mechanized Infantry (Magbalantay) Brigade sa Iligan City.

“I have to be with the men, the fighting forces of the government. I should show my face there. Hindi naman pwede ‘yang peace time ka na pumunta,” ani Duterte. “Hindi naman na you place yourself in jeopardy, but during the fighting, you should show yourself, that you are one in the desire to protect the Republic.”

Ito na ang ikalawang beses na nakansela ang pagbisita ng Pangulo sa Marawi.

“The last time I was not able to go in because also of the weather. Dito naman, ngayon ganoon din nangyari. We were circling many times but we could not penetrate, the weather was really squall,” paliwanag ni Duterte.