Ni: Clemen Bautista
SINASABING ang Himagsikan sa Pilipinas ay sinimulan ng mga makabayang Pilipino at bayaning matapat at maalab ang pagmamahal sa bayan at sa Kalayaan. At sa mahabang panahon ng panunupil at paninikil ng mga mapanakop na dayuhang Kastila, ang mga makabayan nating bayani ay nagtatag ng mga samahan at kilusan. Halos iisa ang layunin: magkaroon ng pagbabago sa lipunan at maglunsad ng Himagsikan at palayain ang bansa sa pananakop ng dayuhan. Mababanggit sina Marcelo H. del Pilar at Dr. Jose Rizal na kapwa nagplanong magtatag ng samahan. Naghanda si Marcelo H. del Pilar na bumalik sa Pilipinas at pamunuan ang Himagsikan. Nasa Espanya noon si Del Pilar, kasama ng mga Pilipinong
propagandista at namamahala ng pahayagang “La Solidaridad.” Ngunit hindi natupad ang pangarap ni Del Pilar sapagkat namatay siya noong Hulyo 4, 1896.
Ang ating pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal ay itinatag ang “La Liga Filipina” noong ika-3 ng Hulyo, 1892. Dito nakapaloob ang pananaw ni Rizal tungkol sa isang Pilipinas na malaya sa paninikil ng mga dayuhan. Ang “La Liga Filipina” ay nagsilbing pundasyon at bantayog ng mga pangarap ni Rizal at ng iba pang repormistang Pilipino. Layunin ng “La Liga Filipina” na pag-isahin ang buong Pilipinas sa isang matibay, malakas at magkatulad na kalipunan, magkatuwang sa pangangalaga sa bawat naisin at pangangailangan, pagtatanggol sa lahat ng mga karahasan at kawalang-katarungan, paghikayat sa edukasyon, agrikultura at kalakalan; at pagsusuri at pagpapatupad ng mga pagbabago. Ngunit nang matuklasan ng mga dayuhang mapanakop, sinugpo at pinigil ang “La Liga Filipina.” Dinakip si Rizal at ipinatapon sa Dapitan noong ika-7 ng Hulyo, 1892.
Sa pagpapatapon kay Rizal sa Dapitan, isang mahalagang yugto naman sa kasaysayan ng ating Bayang Magiliw ang naganap.
Itinatag ang KATIPUNAN, isang lihim na kilusan noong panahon ng Kastila na layuning makamit ang kalayaan ng Pilipinas. Sa pagbabalik-tanaw sa kasaysayan, noong Hulyo 7, 1892, itinatag ang KATIPUNAN ni Andres Bonifacio sa tulong nina Emilio Jacinto, Deodato Arellano, Teodoro Plata, Ladislao Diwa, Valentin Diaz at iba pang makabayang taga-Rizal. Naganap sa isang bahay sa kanto ng Elcano at kalye Ascarraga (Claro M. Recto ngayon) sa Tondo, Maynila.
Sa hatid ng malamlam na liwanag, nagsagawa si Bonifacio at ang kanyang mga kasama ng blood compact at ang kani-kanilang dugo ang ginamit sa paglagda bilang miyembro ng KATAAS-TAASAN, KAGALANG-GALANG na KATIPUNAN ng mga Anak ng Bayan. Ang pagsasandugong ito nina Andres Bonifacio ay imortal na sa isang bahagi ng mural painting ng National Artist na si Carlos Botong Francisco.
Nakalulungkot lamang sapagkat kahapon, Hulyo 7, sa mga radio at television station ay walang nakaalala at nagbalita ng ARAW NG KATIPUNAN. Biro at tanong tuloy ng ilang Rizalenyo: “Nagiging anemic na rin kaya ang sense of history at sense of nationalism ng mga nasa broadcast media? O nalimutan lamang nila?”