Nina Argyll Cyrus B. Geducos at Genalyn D. Kabiling

Nasa 3,000 tent ang bubuo sa paunang tent city na magsisilbing pansamantalang tirahan ng mga taga-Marawi City, ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP).

Ito ang kinumpirma ni AFP spokesperson Brig. Gen. Restituto Padilla sa ‘Mindanao Hour’ press briefing kahapon ng umaga, sinabing sinimulan na ng Inter-Agency Task Force Bangon Marawi ang mga pagpupulong para sa rehabilitasyon sa siyudad.

“As of this morning, we were informed that based on the plans, there will be about 3,000 of these units that will be set up to act as the temporary shelter for our evacuees whose houses have been damaged during the conflict,” sabi ni Padilla.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Sinabi naman ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella na ipinag-utos na ni Pangulong Rodrigo Duterte sa engineering battalion ng AFP ang pangangasiwa sa muling pagpapatayo ng mga bahay ng mga pribadong indibiduwal.

Idinagdag naman ni Padilla na nagsimula nang kumilos ang mga ahensiya ng gobyernong nasa ilalim ng Task Force Bangon Marawi upang tiyakin ang pagbabalik ng normalidad sa lungsod, na sisimulan sa pagbibigay ng mga pangunahing serbisyo.

“Among these basic services are the need for water, electricity, sanitation, and resumption of the economic life of the city through the provision of a temporary area for commercial establishments that could perform and deliver services and transact business,” ani Padilla.

Sa kasalukuyan, sinabi ni Padilla na nasa 1,000 bahay at establisimyento pa sa Marawi ang kinakailangang i-clear sa mga terorista.

“Overtime” na ngayon ang mga pagsisikap ng tropa ng gobyerno upang mapalaya ang Marawi mula sa Maute Group, na nasa 80 pa umano ang nagkukubkob sa siyudad.

“The Armed Forces, given the fact that it has not been announcing any deadlines, is working overtime to expedite the process of the liberation of Marawi,” ani Padilla.

“Batid naman po ninyo na hindi ganon kadali itong operasyon na ‘to, at sa mga paliwanag natin nung mga nakaraang linggo, itong environment na kinaroroonan ng bakbakang ito ay hindi biro,” dagdag ni Padilla.

Sa huling datos, 355 terorista na ang napatay, 87 naman sa panig ng pamahalaan, at 39 na sibilyan.