Ni: Celo Lagmay

HINDI ko ikinagulat ang sinasabing muling pagdagsa ng illegal drugs sa New Bilibid Prison (NBP). Nangangahulugan lamang na ang naturang droga ay nakalulusot sa mahigpit na seguridad sa nabanggit na pambansang piitan. Laganap na naman kaya ang pagsasabwatan ng ating awtoridad at ng mga preso, tulad noong hinalinhang administrasyon?

Mismong si Secretary Vitaliano Aguirre ang nagpahayag ng pagkabahala sa ulat hinggil sa muling pamamayagpag ng mga kasangkot sa shabu at ng iba pang ilegal na droga. Dahilan ito upang iutos niya ang puspusang imbestigasyon sa nasabing ulat. Marapat lamang alamin kung may pagpapabaya sa tungkulin ang kasalukuyang liderato ng NBP, kasabay ng pagsusuri sa sistema ng pagtatanod ng katakut-takot na special forces na nakatalaga sa naturang bilangguan.

Hindi kataka-taka ang tila hindi nababawasang pagkagumon sa illegal drugs sa kabila ng maigting na tokhang na ikinamatay ng maraming user, pusher at ng ilang drug manufacturer; namamahinga o nagpapalamig-lamig lamang sila, wika nga.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Ang ibang talagang ayaw paawat sa paggamit at pagbebenta ng bawal na gamot ay palihim na gumagawa ng paraan upang ipagpatuloy ang pagkasugapa sa nasabing bisyo. Ito ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay patuloy na iniuulat ang naghambalang na mga bangkay ng umano’y mga sangkot sa droga. Bukod pa rito ang mga nadadakip na nag-iingat ng bulto-bultong shabu na sinasabing nanggagaling sa kalapit nating mga bansa, tulad ng China.

Binulaga tayo kamakailan ng pagkakasabat at pagkakasamsam ng shabu na nagkakahalaga ng nakalululang anim na bilyong piso. Nadiskubre ito sa isang bodega sa Valenzuela City pagkatapos na ang naturang kargamento ay nakalusot o pinalusot sa Bureau of Customs. Sinundan ito ng pagkakatultol sa sinasabing mga pabrika ng shabu sa iba’t ibang panig ng bansa.

Kamakailan din, natuklasan sa mismong bahay ng isang dating mataas na opisyal ng Marawi City... ang malaking kantidad ng shabu. Bukod pa rito ang ilang bahay na pinagtaguan din ng mga bawal na droga na sinasabing ginagamit ng mga bandidong Maute Group.

Naniniwala ako na ito ang dahilan ng matinding panggagalaiti ni Pangulong Duterte sa paglaganap ng illegal drugs hindi lamang sa Luzon, kundi maging sa iba pang malalaking isla na tulad ng Mindanao at Visayas. Ang illegal drugs ang nagpapaliyab sa terorismo sa ating bansa na lalo pang pinasisiklab ng mga dayuhang terorista na tulad ng Islamic State of Iraq and Syria (ISIS).

May katwiran ang Pangulo sa kanyang paninindigan: Hindi titigil, bagkus lalo pang paiigtingin, ang kampanya laban sa ilegal na droga hanggang hindi pa nalilipol ang pinakahuling sugapa sa illegal drugs.