NI: Argyll Cyrus B. Geducos
Naghahanda na ang gobyerno para sa rehabilitasyon at muling pagbangon ng Marawi City sa Lanao del Sur, inihayag ni Defense Secretary Delfin Lorenzana.
Naglabas kahapon ang Palasyo ng Administrative Order (AO) No. 3 na lumilikha ng inter-agency task force para sa P20-bilyon ‘Task Force Bangon Marawi’ program ng nasirang lungsod at iba pang mga apektadong lugar.
Sa Mindanao Hour press briefing kahapon ng umaga, sinabi ni Lorenzana na magsisimula ang rehabilitation, reconstruction, at rebuilding ng lungsod kapag natapos na ang giyera.
Personal na pinili ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Defense Secretary para pamunuan ang task force, kasama si Public Works Secretary Mark Villar bilang vice-chairperson.
“We are now preparing the mechanism to go into the rehabilitation and recovery, as soon as the fighting stops in Marawi,” ani Lorenzana.
Inihayag ni Lorenzana, pinuno rin ng the National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), na gagamitin niya ang ahensiya sa pagpapatupad ng pagbangon ng Marawi dahil itinuturing nila ang mga kaganapan sa lungsod bilang man-made disaster o kalamidad na gawa ng tao.
Aniya, kapag natigil na ang mga bakbakan, ang una nilang gagawin ay lilinisin ang lugar sa mga naiwang improvised explosive devices o anumang pampasabog bago payagang magbalik ang mga residente sa nasalantang lungsod.
Tinatayang 1,500 kabahayan at mga gusali ang kailangang malinis ng militar sa bilis na 70 hanggang 100 bahay bawat araw, kaya’t aabutin nang matagal bago malinis ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang lugar.
“We already have one engineering brigade, Army brigade, always on standby who will go there immediately once the fighting stops to start rebuilding the infrastructure of the city -- lights, water, roads, bridges that were destroyed, if there are any, and rebuilding of houses, buildings of the government,” ani Lorenzana.
Sinabi ni Lorenzana na nagdesisyon ang Pangulo na tulungan din ang mga pribadong bahay na nawasak sa digmaan.
Hihintayin muna nila ang assessment ng engineering brigade bago sila magpasya kung kailangang tibagin o kumpunihin ang isang bahay.
“I believe that a lot of those houses are still livable, all you need is a little bit of repair. Except ‘yung this central business district here that are actually – talangang gibang-giba ‘yan eh,” aniya.
Wala na silang itinakdang panahon o deadline kung kailan magsisimula at matatapos ang programa.
“If you put a timeline on this kind of problem, all the enemies have to do is to hold out for a couple days, masisira timeline mo, pahiya ka na naman,” paliwanag ni Lorenzana.