Ni: Clemen Bautista

TINALAKAY ng Federation of Fishpen, Fishcage Operators Association of Laguna de Bay Inc. at ng Laguna Lake Development Authority (LLDA) ang panukala na gibain ang mga fishpen at fishcage. Kaugnay ng nasabing patakaran, isang mahigpit na pag-control ang ipinataw sa stocking density ng aquaculture upang mapalusog ang lawa at mapalakas ang isang higit na balanse at malusog na ekolohiya.

Naging mabunga ang mga pag-uusap sa pagitan ng LLDA at ng lahat ng stakeholder. Sa katunayan, kinilala ang pagsisikap ng samahan ng mga fishpen at fishcage operator at ang katulad na pananaw sa pamamagitan ng paggamit ng limitadong resources para sa pangkalahatang kabutihan. Ito ang dahilan kung bakit may koordinasyon ang LLDA sa pederasyon na sumang-ayon sa balance sustainable growth at sa responsible ecological use.

Iminungkahi ng pederasyon ng mga fishpen at fishcage operator na panatilihin ang kasalukuyang lugar ng operasyon sa lawa ngunit unti-unting babawasan ang kanilang mga fishpen simula Hunyo 29, 2017.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Ang pederasyon ay boluntaryong magbabawas ng lugar ng operasyon sa lawa at balikatin ang anumang halaga na bunga ng pagbabawas na kailangan para mapanatili ang higit at sapat na waterways at susundin ang 2017 Zoning and Map Plan (ZOMAP).

Kapag ang mga fishpen operator ay hindi sumunod hanggang Disyembre 31, 2017, bubuwagin ng LLDA ang buong lugar na inokupa ng mga fishpen at fishcage sa Laguna de Bay.

Ang pederasyon ng mga fishpen at fishcage operator ay nagboluntaryo sa pagbabawas ng lugar na sakop ng kanilang mga fishpen. At upang maiugnay ang pagkukusa, pinangunahan ni LLDA General Manager Joey Medina, ang pagbuwag sa 28 fishpen na sumasakop sa mahigit 200 ektarya ng Laguna de Bay. Nagsimula sa NICAVI Fishing Corporation na may saklaw na 40.08 ektarya sa Biñan, Laguna.

Sa pinakahuling bilang, ang LLDA ay nakabuwag na ng 1,610 ektarya ng fishpen sa Laguna de Bay. Ang pagbuwag ay batay sa mga paglabag na ginawa ng mga fishpen operator. Ang paglabag na ito ay ang mga sumusunod: walang permit ng LLDA, hinaharangan ang navigational lane sa lawa, hindi maayos ang pagbabayad, at sobra... ang sukat ng fishpen.

Noong Abril, matatandaan na iniutos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang paggiba sa mga illegal at legal fishpen sa Laguna de Bay. Layunin ng demolisyon na maging maluwag at mabigyan ng pagkakataon na malayang makapangisda at gawing ecotourism zone ang lawa. Apat na ahensiya ng pamahalaan ang nagtulung-tulong sa paggiba ng mga fishpen sa Laguna de Bay sa bahagi ng Binangonan at Cardona, Rizal. Ang nagtulung-tulong ay ang Department of Environment and Natural Resources (DENR), Laguna Lake Development Authority (LLDA), Philippine Coast Guard at ang Philippine National Police.