Nina GENALYN D. KABILING at BETH CAMIA

Isang taon makaraang mahalal bilang pinakamataas na opisyal ng bansa, sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na isang “roller coaster” ride para sa kanya ang pamunuan ang Pilipinas.

Para kay Duterte, ang unang taon niya sa puwesto ay tinampukan ng maraming tagumpay at problema, at sinabing ipinauubaya niya sa publiko ang pagsasagawa ng “fair” assessment sa kanyang pamumuno sa pagtatapos ng kanyang termino.

“It’s a roller coaster actually. While you are there, it’s a roller coaster,” sinabi ni Duterte sa panayam sa kanya ng mga reporter matapos niyang tanggapin ang donasyong military equipment ng China sa Clark, Pampanga nitong Miyerkules.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Gayunman, tumanggi ang Pangulo na i-rate ang sarili niyang performance sa nakalipas na taon.

“I do not make any assessment. I only make assessment after my term,” anang Pangulo, na abalang-abala ngayon sa paglipol sa mga teroristang Maute sa Marawi City. “So, it should be at the end of the ride that will—if I get to live, then I’ll tell you. If I don’t exist anymore by that time, you make your own assessment. Just be fair.”

#CHANGE365

Para sa unang taon sa puwesto ni Duterte, sinabi ni Communications Secretary Martin Andanar na naghanda sila ng documentary sa PTV4, Radyo ng Bayan, at sa iba pang attached agencies, ang #Change365, na may slogan na “Comfortable life for all.”

Una nang sinabi ng Presidente na gusto niyang personal na magtungo sa Marawi ngayong Biyernes, kasabay ng paggunita sa unang taon niya sa serbisyo, at bilang suporta sa militar at pulisya na patuloy na nakikipagbakbakan laban sa Maute.

SARI-SARING KONTROBERSIYA

Sa nakalipas na isang taon, hinarap ng administrasyon ni Duterte ang mga alegasyon sa kanyang kontrobersiyal na kampanya kontra droga, at nakilala maging sa ibayong dagat dahil sa mga tirada niya laban sa Amerika, partikular na kay dating US President Barack Obama, at sa European Union, na pawang bumatikos sa brutal na drug war ng pamahalaan.

Dahil din sa bintang ng mass murder, sinampahan si Duterte ng impeachment complaint ng isang kongresista, bagamat naibasura na ito ng Kamara.

Nasaksihan din ng mga Pilipino ang pakikipaglapit ng kanyang administrasyon sa China at sa Russia, habang isinusulong ang usapang pangkapayapaan sa Communist Party of the Philippines-National Democratic Front (CPP-NDF) at sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Moro National Liberation Front (MNLF).

Sinibak din ng Presidente ang ilang opisyal ng gobyerno sa bintang ng kurapsiyon.

Samantala, ilang buwan makaraang magdeklara ng all-out war laban sa Abu Sayyaf, sinalakay ng isa pang teroristang grupo, ang Maute, ang Marawi City na nagbunsod upang magdeklara si Duterte ng batas militar sa buong Mindanao.