GUMAGAWA si United States President Donald Trump ng mga desisyon at nagpapatupad ng mga hakbangin na nagtitiwalag sa Amerika sa mga kasunduan at pangakong ginawa ng mga nakalipas na administrasyon. Inihayag niyang babawasan niya ang iniaambag ng Amerika sa pondo para sa seguridad at depensa ng mga bansang kasapi ng North Atlantic Treaty Organization (NATO). Tumanggi rin siyang makibahagi ang Amerika sa pandaigdigang pagsisikap laban sa climate change sa Paris Climate Change Agreement na napagkasunduan noong Disyembre 2015.
Nitong Hunyo 16, kinansela niya ang polisiya para sa mas malapit na ugnayan ng Amerika sa kalapit-bansa nito sa katimugan, ang Cuba, at naghayag ng mga bagong limitasyon sa pagbibiyahe at pamumuhunan sa pagitan ng dalawang bansa.
Ibinalik ni dating President Barack Obama ang diplomatikong ugnayan sa Cuba noong 2016, winakasan ang 55 taon nang alitan na nagsimula nang maluklok sa puwesto si Fidel Castro noong Cuban Revolution taong 1961. Subalit kinondena ni Trump ang nasabing hakbangin ni Obama na tinawag niyang “completely one-sided deal”. Binatikos niya ang pamahalaan ni President Raul Castro at tinawag na makaluma, sa pagdetine sa mga political prisoner at sa iba pang pag-abuso sa karapatang pantao.
Maaaring libu-libong milya ang layo ng Cuba sa Pilipinas sa kabilang ibayo ng daigdig, ngunit nagkakapareho tayo sa pagkakaroon ng kasaysayan ng kolonyalismo ng Espanya. Kapwa naglunsad ang Cuba at Pilipinas ng rebolusyon upang ipaglaban ang kalayaan ng kani-kanilang bansa laban sa Espanya, ngunit parehong nagsilbing pabuya ng digmaan makaraang mapunta sa pangangalaga ng Amerika matapos na magwagi ang huli sa Spanish-American War noong 1890s. Kaagad na nakamit ng Cuba ang kalayaan pagkatapos ng digmaan, subalit pinanatili ng Amerika ang kontrol sa Pilipinas, gayundin sa Guam at Puerto Rico.
Ang pagwawakas ng “cold war” ng Amerika at Cuba na pinagsumikapan nina Obama at Raul Castro noong 2015 ay malugod na tinanggap ng kapwa mga Amerikano at mga Cuban; natuklasan sa survey na 63 porsiyento ng mga Amerikano at 97 porsiyento ng mga Cuba ang naniniwalang isang napakagandang kaganapan ang pagbabalik ng maayos na ugnayan ng dalawang bansa.
Pinuri rin ito ng iba pang mga bansa dahil nangangahulugan ito na nabawasan ang bansang hindi magkakasundo sa mundo.
Ikinasiya naman ito ng mga Pilipino dahil sa mga benepisyong pang-ekonomiya na maihahatid nito sa Amerika, na malapit para sa mga Pilipino. Naglahong lahat ang pag-asang ito sa pasya ni Trump na ibalik ang “cold war” sa pagitan ng dalawang bansa.
Ang desisyon ni President Trump sa usaping ito at sa iba pang mahahalagang isyu ay tinukoy kamakailan ni United Nations Secretary General Antonio Guterres na nagpapahiwatig sa pagdistansiya ng Amerika sa maraming usapin at problema sa mundo. Tinukoy din niya ang panukala ni Trump na bawasan ang ipinopondo ng Amerika para sa United Nations, ang pagtalikod ng Amerika sa Paris Climate Agreement, at ang polisiya ni Trump sa immigration sa Amerika.
Kung patuloy na didistansiya ang Amerika sa mahahalagang usaping gaya nito na kinahaharap ng pandaigdigang komunidad, sinabi ni Guterres na kakailanganin ng mundo na humanap ng ibang mamumuno. At hindi ito makabubuti para sa Amerika, at para sa daigdig, aniya.