MAO COUNTY (REUTERS) – Patuloy na pinaghahanap ng rescue workers sa China ang 118 kataong nawawala pa rin mahigit 24 oras matapos ibinaon ng landslide ang isang pamayanan sa gilid ng bundok nitong Sabado ng madaling araw.
Lumalaho na ang pag-asa kahapon matapos maiahon ang 15 bangkay sa ilalim ng mga bato at putik sa unang araw ng paghahanap sa pamayanan ng Xinmo, sa timog kanlurang probinsiya ng Sichuan. Tanging isang mag-asawa at kanilang dalawang buwang sanggol ang natagpuang buhay, at wala nang balita kung may iba pang nakaligtas.
Sinabi ng geological experts na manipis na ang tsansang may makikita pang buhay, iniulat ng Xinhua news agency.