Ni: Bella Gamotea
Muling naglabas ng warrant of arrest ang isang hukom sa Muntinlupa City laban sa nakapiit na si Senator Leila De Lima dahil umano sa illegal drug trade sa New Bilibid Prison (NBP) sa lungsod.
Sinabi kahapon ni Atty. Alex Padilla, abogado ni De Lima na Hunyo 21 nang nag-isyu ng warrant of arrest sa sala ni Muntinlupa Regional Trial Court (RTC) Branch 205 Judge Amelia Farbros-Corpuz laban sa senadora at sa kapwa akusadong si Jose Adrian Dera, alyas “Jad De Vera”.
Hihilingin sa korte ng kampo ni De Lima na bawiin ang arrest order laban sa senadora dahil ang nasabing kaso ang itinuturing na pinakamahina sa tatlong isinampa laban sa senadora.
Nabatid na may nakabimbin ding kasong may kaugnayan sa droga si De Lima sa sala nina Judge Patria Manalastas-de Leon, ng Branch 206; at Judge Juanita Guerrero, ng Branch 204 sa lungsod.
Pebrero 23 nang ipinalabas ni Judge Guerrero ang unang arrest warrant laban kay De Lima na nagbunsod upang makulong ito sa Philippine National Police (PNP) Custodial Center sa Camp Crame sa Quezon City.