Ni: Aaron Recuenco

Sa kabila ng pagpapatuloy ng negosasyong pangkapayapaan, nananatili ang mga opensiba ng New People’s Army (NPA) sa nakalipas na mga araw at ang huli ay ang pag-atake ng mga rebelde sa isang military truck sa Catarman, Northern Samar, na ikinasugat ng apat na sundalo.

Ayon kay Chief Insp. Ma. Bella Rentuaya, tagapagsalita ng Police Regional Office (PRO)-8, tinambangan ng mga rebelde ang mga sundalo sa hangganan ng mga barangay ng Somoge at Polangi sa Catarman bandang 9:00 ng gabi nitong Martes.

“The soldiers are from the 20th Infantry Battalion and were on board a truck when the ambush occurred. Four soldiers were wounded in action as a result,” sabi ni Rentuaya.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Dahil dito, pinaigting pa ng pulisya ang pagpapatupad ng seguridad sa buong Eastern Visayas upang mapigilan ang anumang planong atakehin ang mga himpilan ng pulisya.

Matatandaang sinalakay kamakailan ng NPA ang himpilan ng Maasin Police sa Iloilo at tinangay mula roon ang ilang matataas na kalibre ng baril at mga gamit sa komunikasyon.

Dahil dito, nasibak sa puwesto ang buong puwersa ng Maasin Police, gayundin ang provincial director ng Iloilo Police Provincial Office.

“All municipal police stations and Provincial Public Safety Company were alerted, further, directed to intensify intelligence and counter-intelligence monitoring efforts,” sabi ni Rentuaya.