Ni Ernest Hernandez
Fajardo, sandigan ng SMBeermen vs TNT.
SANDIGAN ng San Miguel Beer si June Mar Fajardo sa hindi na mabilang na pakikibaka ng Beermen mula nang makuha ang tinaguriang ‘The Kraken’ sa drafting may limang taon na ang nakalilipas.
Ngunit, laban sa 6-foot-10, 300-lbs. na import na si Joshua Smith ng Talk ‘N Text, mabigat ang hamon na naghihintay sa four-time Most Valuable Player.
“Kailangan ko i-handa sarili ko kasi kakatapos lang namin ni (Ricardo) Ratliffe,” sambit ni Fajardo, patungkol sa import ng Star Hotshots na sinibak nila sa semifinals.
“Yung kay Ricardo nga lang bugbog na ako.
Pagdating ko sa bahay, hindi na ko nagpapalit ng damit at kinabukasan na ako nagpapalit kasi sobrang pagod. Pag-akyat ko pa lang sa hagdanan…sobrang nakakapagod kalaban si Ratliffe.”
Kung hindi magkakaroon ng malaking pagbabago sa panig ng Katropa (napabalitang papalitan si Smith), tunay na mapapalaban sa banggaan si Fajardo.
“Malaki siya and maganda mga moves niya. Lahat naman ng mga imports ngayon magagaling pero hindi naman yan one-on-one. Nag-pro-provide naman ng help mga coaches at teammates ko. Gagawin ko lahat para ma-minimize yung touches and points niya,” pahayag ni Fajardo.
Impresibo ang kampanya ni Smith sa naitalang averaged point na 20.8, 13.6 rebound, 1.2 block at 1.2 assist.
Laban sa Barangay Ginebra import na si Justine Brownlee sa semifinals, angat ang lakas ni Smith sa kabila ng injury na tinamo sa daliri sa paa.
“Ngayon pa na sobrang laki ni Joshua (Smith). Kailangan ko lang magpa-kondisyon. Kailangan ko lang ihanda katawan ko sa bangaan pero meron naman import na tutulong sa akin.”
Sa kasalukuyan, may nakaantabay na papalit kay Smith sakaling pormal itong palitan sa pagbubukas ng Game 1 ng kanilang best-ofseven Finals ngayon sa Araneta Coliseum.