Ni: Tara Yap, Genalyn D. Kabiling at Fer Taboy
Matapos atakehin ng mga rebeldeng komunista ang isang istasyon ng pulisya sa bayan ng Maasin sa Iloilo, isang ground commander na nakipaglaban sa teroristang Maute Group sa Marawi City ang uupo bilang bagong hepe ng pulisya sa lalawigan.
Si Senior Supt. Marlon Tayaba, commander ng Public Safety Battalion ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM), ang nakatakdang mamumuno sa Iloilo Police Provincial Office (IPPO).
“He is battle tested,” sabi ni Chief Superintendent Cesar Hawthorne Binag, director ng Police Regional Office (PRO-6).
Sinibak sa puwesto si Senior Supt. Harold Tuzon matapos lusubin ng tinatayang 50 miyembro ng New People’s Army (NPA) ang Maasin Municipal Police Station (MMPS) nitong Hunyo 18. Walang nasugatan ngunit tinangay ng mga rebelde ang mga armas, pera, at iba pang gamit sa istasyon.
Si Senior Supt. Christopher Tambungan ang nagsisilbing temporary IPPO chief.
Bunga ng pag-atake, isinailalim sa retraining ang mga pulis at militar na nalusutan ng mga rebelde sa bayan ng Maasin.
Natukoy na rin ng pulisya ang may-ari ng elf truck na sinakyan ng mga rebeldeng sumalakay sa MMPS. Siya ay si Evocato Lisondra, ng 441 Fernando St., Malanday, Valenzuela City.
Muli namang iginiit ng PRO-6 sa publiko sa isla ng Panay at Guimaras na manatiling kalmado sa gitna ng mga pagkalat ng mga mensahe na aatake ang Maute Group sa Hunyo 30.
Sinabi ni Supt. Gilbert Gorero, tagapagsalita ng PRO-6, na kapwa nakaalerto ang Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine Coast Guard (PCG) at PNP sa rehiyon para supilin ang anumang mga banta ng karahasan.
PEACE TALKS TULOY
Pursigido pa rin ang gobyerno na isulong ang peace negotiations sa mga rebelde sa kabila ng pagsalakay sa isang istasyon ng pulisya sa Iloilo, ngunit nanawagan sa mga lider ng National Democratic Front (NDF) na rendahan ang kanilang mga mandirigma.
“As of this moment, there is no instruction from the President to discontinue the government’s peace negotiations,” sabi ni Presidential Spokesman Ernesto Abella sa news conference sa Palasyo.
Sinabi ni Abella na nakakalulungkot na nangyari ang pag-atake kasabay ng pagpahayag din ng gobyerno na umiwas sa pakikipagdigma sa mga rebelde, na naunang idineklara ng NDF.
“We have asked the NDF to call on their servant -- on their armed comrades on the ground to, you know, to respond in kind and show genuine sincerity on the confidence- building measure initiated by both the government and their side,” ani Abella. “So basically, we want a firmer response.”
Hindi man aniya nangyari ang pag-atake sa Mindanao ngunit ang aksiyon ay “clearly opportunistic.”