Ni: Leonel M. Abasola
Tanging sa unlimited rice lamang epektibo ang walang sawa at hindi sa “unlimited martial law” na nais ipatupad ni Pangulong Duterte sa buong Mindanao.
Ayon kay Senator Risa Hontiveros, sakaling i-extend ni Pangulong Duterte ang pagpapatupad ng batas militar sa bansa, tiyak na aalma na ang taumbayan.
Naglabas ng pahayag si Hontiveros matapos sabihin ni Pangulong Duterte na posibleng palawigin nito ang pagpapatupad ng batas militar pagkatapos ng 60 araw.
“There is no such thing as an indefinite martial law in our constitution and laws. Walang unli-martial law. And even if President Duterte manages to implement this type of martial law, I am confident that the people will oppose and defeat it. Kung ‘yung original martial law nga ni Ferdinand Marcos ay tinalo ng mamamayan, ang isang Marcos copycat pa kaya,” ani Hontiveros.
Sinabi pa ng senadora na ‘tila kinokopya ni Duterte ang batas militar noon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Mayo 23 nang nagdeklara ang pangulo ng batas militar sa buong Mindanao nang lusubin ng Maute Group ang Marawi City.