Ni: Argyll Cyrus B. Geducos
Dinepensahan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang mga pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na kung kinakailangan niyang magdeklara ng martial law sa ikalawang pagkakataon dahil sa rebelyon sa Mindanao, magiging katulad ito ng batas militar ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Sinabi ni AFP spokesperson BGen. Restituto Padilla na ang tinutukoy ni Duterte ay hindi ang mga pang-aabuso sa karapatang pantao kundi ang lawak at lalim ng pagpapatupad sa martial law.
“Well, definitely the President will not be referring to abuses. He may refer to the breadth and the depth of how to impose it but I guess it’s not because of the abuses,” sinabi ni Padilla sa Mindanao Hour press briefing kahapon ng umaga.
Sinabi Padilla na ang pagpapatupad ng militar ng martial law sa Mindanao ay patunay na mataas ang pagpapahalaga ni Duterte sa mga karapatang pantao at kung mayroon mang mga reklamo ay tinitiyak ng AFP na kaagad nila itong aaksiyunan.
“You can see how the military is implementing martial law now, its complete regard for human rights and IHL (International Humanitarian Law) and the other protocols that have been established,” aniya.
“So if there are any complaints, we are open to receiving those complaints and acting on it immediately,” sabi pa niya.
Muli ring idiniin ng opisyal ng militar ang naunang pahayag ng Pangulo na walang dapat ikatakot ang mga tao sa martial law kung sumusunod sila sa bata.
“’Di ba sinabi niya (Duterte), ‘If you are a law-abiding citizen, and a peace-loving citizen, martial law is not a problem that you should worry about because martial law is intended for the lawless elements and the rebels that are around,’” anang Padilla.
Nilinaw rin ni Padilla ang biruan ni Duterte at ng mga miyembro ng media sa Butuan City noong Sabado kung saan binanggit ng Pangulo na aalisin niya ang martial law kung ipag-uutos ito ng Supreme Court, ngunit nababala ng isa pa na “could be a copycat of Marcos.”
“The nature of the exchange between the media and the President was light enough that shouldn’t be reflected or translated otherwise,” diin ni Padilla.