Ni JOJO P. PANALIGAN
TATLONG beses lang direktang nagsalita o bumati sa audience ang American singer na si Britney Spears sa concert sa Mall of Asia Arena kamakalawa ng gabi, pero bumawi siya sa non-stop na pagtatanghal sa loob ng dalawang oras ng umaabot sa 26 na mga awitin niya, na karamihan ay hits.
Ito ang unang concert ng high profile international artist sa Manila pagkatapos ng bombing incident sa concert ni Ariana Grande sa Manchester. Ilang oras bago ginanap ang concert, sinabi ni Director General Ronald dela Rosa, chief ng Philippine National Police (PNP), sa isang forum sa Manila Bulletin na ang show ni Britney sa Manila ay magiging safe and secure – at napatunayan ito. Mas mahigpit ang security sa venue kaysa nakasanayan at mayroong pulis sa lahat ng dako.
Gabi ng aliw ang show ni Britney, hindi ng katatakutan. Crowd-pleaser ang repertoire na kinabilangan ng kanyang unang hits (Baby One More Time, Oops, I Did It Again), biggest dance floor anthems (Till The World Ends), ilang slow jams (Slumber Party, Make Me), at maraming sing-along favorites (If You Seek Amy, Stronger, Boys).
Sa isang bahagi ng show, nagbigay si Britney ng maikling tribute sa rapper na si Missy Elliott sa pamamagitan ng introlude mash-up sa Work It at Get Ur Freak On nito bago siya bumalik sa kanyang originals. Inawit din ni Britney ang kanyang collaboration hits, tulad ng Me Against The Music (bagamat tila in-edit ang parte ni Madonna) at Scream and Shout nila ni will.i.am (habang napapanood sa video wall na kinakanta ang parte nito).
Tulad ng sinumang female dance artist na nagsusuot ng high cut leather boots at tangga, itinanghal ni Britney ang kanyang mga awitin na may iba’t ibang acts o motifs. Dinala niya ang audience sa fantasy land nang kantahin niya ang Grammy winning na Toxic; sa circus habang kinakanta ang, siyempre, Circus; sa mundo ng geometric patterns sa Piece of Me; at sa tila isang sex den sa Slave 4 U, at iba pa. Sa pangkalahatan, teatro ng women empowerment at sensuality ang mga pangunahing tema.
Tulad ng palasak nang mga ulat sa loob ng maraming taon, kung minsan ay nagli-lip sync si Britney sa kanyang concert at nang gabing iton ay tila hindi rin naiiba. At siyempre, kapansin-pansin ang mahuhusay na dance choreographies na kailangan siyempre niyang gawin para sa kanyang masusugid na fans.
‘Yun nga lang, may hinintay ang ballad-loving Pinoy fans na hindi niya kinanta (Everytime, From The Bottom of My Broken Heart, I’m Not A Girl Not Yet A Woman”). Hindi naman kinakailangan pero tiyak na natuwa pa sanang lalo ang audience. Sa susunod na lang siguro?