SA loob ng isang linggo, sisimulan na ng United Kingdom (UK) ang mga negosasyon sa pagtiwalag nito sa European Union (EU), gaya ng naging desisyon ng mga botante noong Hunyo 8, 2016. Nagpatawag si UK Prime Minister Theresa May ng Conservative Party ng parliamentary elections noong nakaraang linggo, inaasahang magkakaroon ng matatag na suporta ang kanyang gobyerno habang pinagsisikapan ang pinakapaborableng kondisyon sa pagtiwalag sa EU sa Brussels, Belgium.
Gayunman, ang naging resulta ng eleksiyon ay malayo sa kanyang inaasahan. Nabigo ang Conservative Party ni May na magkaroon ng mayorya sa Parlamento. Mula sa 330 puwesto bago ang halalan, mayroon na lamang ito ngayong 318, kapos sa mayoryang 326. Kinakailangan ngayong magtatag si May ng pamahalaang koalisyon kasama ang Democratic Unionist ng Northern Ireland. Malayo sa inasahan niyang magbibigay ito sa kanya ng mas matatag na paninindigan sa pakikipag-usap sa EU, pinahina pa ng halalan ang posisyon ng UK sa isasagawang negosasyon.
Ang pananamlay ng suporta para kay Prime Minister May ay dulot ng ilang bagay, kabilang ang pag-atake ng mga terorista kamakailan sa Manchester at London, na sumalamin sa kakayahan ng gobyerno na mapanatili ang kaayusan at seguridad. Posibleng humina rin ang noon ay matinding pananaw kontra EU na nagbunsod sa Brexit noong Hunyo 2016.
Ang mga katatapos na halalan sa mga bansa sa Europa sa nakalipas na mga buwan ay direktang tumututol sa ideya ng pagsasarili o pagkontra sa pagbubuklod gaya ng kay Marine le Pen ng France, kaya naman iniluklok sa puwesto ang bata at pabor sa EU na si Emmanuel Macron. Ang mga pangunahing bansa sa Europa — ang Italy, Germany, at France — ay nagsanib-puwersa para sa isang bagong alyansa sa China upang maisakatuparan ang mga layunin ng Paris Conference Agreement on Climate Change, matapos na talikuran ni US President Donald Trump ang makasaysayang kasunduan. Sa mismong UK, tinutulan ng Scotland ang Brexit, at hiniling na manatili ang ugnayan sa EU.
Sa bahagi nating ito sa mundo, pinahahalagahan natin ang ating pakikipagkaisa sa mga kapwa natin estado sa Timog Silangang Asya sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN). Ipinupursige nating mapalawak pa ang ating alyansa sa mundo sa pakikipaglapit sa China at Russia, na matagal na nating tinalikuran sa aspeto ng ating mga ugnayang panlabas. Higit na lumalawak ang ugnayan ng mga bansa at mga organisasyon, nagkakaisa sa kanilang mga pagsisikap para sa pagsulong at kaunlaran alang-alang sa hinahangad na kapayapaan.
Sa mga susunod na araw, sisimulan na ng UK ang negosasyon nito sa samahan ng 28 bansa sa Europa sa EU. Pinahina ng katatapos na eleksiyon ang UK sa halip na mapalakas ito gaya ng inasahan ni Prime Minister May. Maaaring nangangahulugan ito na posibleng hindi matindi ang determinasyon, hindi desidido at hindi tunay na naninindigan ang mamamayan ng Britain sa kagustuhan nilang tumiwalag sa EU, at nauunawaan ang pangangailangang mamuhay at makipagtulungan sa iba pang bansa sa Europa at sa buong daigdig.
Sinabi naman ni France President Emmanuel Macron na “always open” ang pintuan para manatili ang UK sa EU.