DALAWANG linggo makaraang sumabog ang karahasan sa Marawi City kung kaya napilitan si Pangulong Rodrigo Duterte na magdeklara ng martial law sa Mindanao, lumutang ang ilang bagay na maaaring magpabago sa pananaw ng marami kaugnay ng mga nangyayari sa Mindanao.

Isang bangungot para sa mga mamamayan ng Marawi, ang kaguluhan sa lungsod ay itinuturing ng matitinong Muslim na “anti-Islamic” o hindi naaayon sa mga aral ng Islam. Gayunman, nananatili ang katotohanan na nilulumpo ng mga pangyayari sa Marawi ang kakayahan ng ating gobyerno na pigilan ang gayong trahedya.

Lumilitaw na ang paglusob ng Maute-ISIS ay bunga ng kapabayaan ng ating mga security officials, kaya naisahan at nalamangan tayo ng mga terorista kahit na higit na superyor ang ating sandatahang lakas. Tiyak ding nakasira sa imahe ng Pilipinas ang propaganda ng mga terorista.

Kung susuriing mabuti ang krisis sa Marawi, mapapansing iba ito kaysa Zamboanga siege ng MNLF ni Misuari. Una, nagkaroon agad ito ng kulay relihiyon nang lapastanganin ng mga teroristang Maute-ISIS ang isang simbahang Katoliko, pinatay nila ang mga hindi Muslim at binihag ang isang paring Katoliko.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Pangalawa, handang-handa ang mga lumusob sa lahat ng bagay. Ipinahihiwatig ng matagal na labanan na nakapag-imbak sila ng sapat na pangangailangan gaya armas, bala at pagkain. Ang natuklasang P52 milyong cash at mga tsekeng may halagang P37 milyon sa loob ng isang Maute-ISIS safehouse ay patunay lamang sa hinalang pinupondohan ang mga terorista.

Pangatlo, sa unang pagkakataon nasasangkot na ngayon at nakilala na ng mga awtoridad ang mga pulitikong sangkot umano sa droga na siyang tumutustos sa mga rebelde at terorista.

Pang-apat, ang presensiya sa Mindanao ng mga banyangang teroristang mandirigma ay nakababahala na. Sinimulan ng mga Morong militante at karaniwang grupong kriminal, ang kaguluhan sa Mindanao ay lumalala habang tumatagal. Sa pamumuno ni Abu Sayyaf leader Isnilon Hapinon na kinikilalang pinuno ng ISIS sa bansa, at sa tulong ng mga mersenaryong banyaga, nagkakaroon na ng ‘global character’ ang kaguluhan sa Mindanao.

Bukod dito, may nakakaintrigang mga pangyayari sa Marawi na agad mapapansin gaya ng ginagampanang papel ng MNLF sa napagkasunduang “peace corridor” sa Marawi. Inaprubahan ni Pangulong Duterte na magkatulong na puksain ng ating militar at ng MNLF ang mga teroristang Maute-ISIS.

Anuman ang kahulugan ng mga pangyayaring ito, sana maibalik agad ang kapayapaan sa Marawi City para tumindig muli at patuloy itong umunlad. Sa iba pang bahagi ng Mindanao, waring normal naman ang lahat. (Johnny Dayang)