MAGUGUNITA noong sumalakay ang Abu Sayyaf Group (ASG) sa Bohol, sabay ko binisto at pinuntirya ang nakabalot na diwa at nagbabadyang peligro ng Islamist terrorism sa buong bansa.

Bilang payak na pagbabalik-tanaw, kailangan maunawaan ng sambayanan na ang armadong bahagi ng terorismo halimbawa, ASG, Maute Group at Raha Sulayman, ay kayang harapin ng ating Sandatahang Lakas.

Subalit, ang kaisipan, damdamin, simpatya, suporta o pagsanib sa antas ng idolohiyang-relihiyon ang siyang aninong dapat natin bakahin. Ang utak “ISIS.”

Ang daluyan nitong abusadong hibla ng Islam ay nasa maling pagkasangkapan sa matinong uri ng “Balik-Islam”. At sa halip, gawing sandata para isulong ang delikadong “Wahabbism” (Sheikh Muhammad ibn Abd al-Wahhabi, 18th Century).

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Ito ang uri ng Islam na namumugot ng kahit kapwa Muslim, tumuturing sa mayorya ng ating Sunni na Muslim bilang “takfir,” o mga suwail sa kanilang pananampalataya. Nais nila maging “shaheen” o martir para makapunta sa langit.

Layunin din nilang magtatag ng sariling sinakubang estado. Kung mayroon mang “Mao Tse Tung” na maituturing na “ama” ni Osama bin Laden at ‘Muslim Brotherhood,’ siya ay si Syed Qtub (1947) na ang kredo ay, “Ang tao, nagiging tapat na malaya lamang, kapag yumakap sa Islam. Ang mundo magiging malaya rin kapag buong sangkatauhan, magbalik Islam.”

Kontra sa ganitong paniniwala ang Amerika at lahat ng Kanluraning lipunan, pati kagawian.

Napapanahon ang martial law sa buong Mindanao batay sa ipinamalas na karahasan at pamulaklak ng nakakubling suporta nito sa Marawi City. Simpleng paliwanag sa hakbang ni Pangulong DU30 ay kahalintulad sa pag-apula ng sunog bago pa kumalat. Ang binubugahan ng tubig ng bumbero ay hindi lang mismong apoy, bagkus, bahagi ng bahay o ari-arian na hindi pa dinidilaan ng apoy. Ilang hakbang pa ang kailangan ihain at ipasa: 1) Anti-Terrorism Law kapag sibilyan ang sinisipat at binibiktima; 2) Acts of War Law. Ito yung mararahas na grupong sumasapi o tumatanggap ng tulong mula ibayong dagat at nagsisimula ng gulo sa Pilipinas; 3) Batas na kapareho ng Amerika – ang FISA – Foreign Intelligence Service Act. May espesyal na korte na naglalabas ng warrant para sa awtoridad upang makinig, magtiktik at magtanod sa lahat ng dayuhang terorista, espiya at big-time drug lord sa bansa. (Erik Espina)