SETYEMBRE pa lamang noong nakaraang taon ay nanawagan na si Pangulong Duterte sa muling pagbuhay sa citizenship training program na kilala bilang Reserve Officers Training Corps (ROTC), na dating inoobliga sa mga estudyanteng nasa una at ikalawang taon sa kolehiyo sa bansa, hanggang sa dahil sa ilang hindi paborableng insidente ay ipinatigil ito noong 2001.
Binigyang-diin niya ang kanyang panawagan sa mga seremonya sa paglulunsad ng Boy Scouts of the Philippines at ng Palarong Pambansa noong Abril. Ang programa sa ROTC, aniya, ay maaaring isama sa curriculum ng mga estudyante sa senior high school—nasa Grades 11 at 12—sa susunod na school year.
Naihain na ngayon sa Senado ni Senate President Aquilino Pimentel III at sa Kamara de Representantes, ni dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal Arroyo, ang mga panukala para magkaroon ng Citizens Service Training Corps (CSTC) sa lahat ng pampubliko at pribadong kolehiyo at unibersidad sa bansa, na magiging mandatory para sa lahat ng estudyante ng baccalaureate degree at vocational.
Ang bagong CSTC ay ang dating ROTC ngunit pinalawak upang hindi lamang nito basta sanayin ang mga estudyante sa pagtatanggol sa bansa laban sa mga hamong panlabas kundi upang makatulong din sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa panahon ng emergency, tulad ng pananalasa ng bagyo at iba pang kalamidad.
Sa paghahain sa kanyang HB 5305, sinabi ni Congresswoman Arroyo na nais niya “to establish a framework for the training and mobilization of our youth and implements the constitutional vision of drawing them into the mainstream of national life by providing avenues for their participation in public and civic affairs.”
Bago pa nangyari ang partikular na insidente noong 2001—ang pagkamatay ng isang estudyante ng ROTC—ilang henerasyon na ng mga Pilipino ang sumailalim sa dalawang taon ng pagsasanay sa ROTC sa mga kolehiyo at unibersidad sa buong Pilipinas, at maraming opisyal ng ROTC ang kalaunan ay naging opisyal din sa Sandatahang Lakas at sa Pambansang Pulisya.
Karamihan sa mga estudyante ng ROTC ay mga pangkaraniwang estudyante sa kolehiyo na nag-aaral ng abogasya, pagdodoktor, siyensiya, pag-iinhinyero, at daan-daang iba pang kurso, na kalaunan ay nagiging propesyon nila. Ngunit pinahahalagahan din nila ang unang dalawang taon sa kanilang pag-aaral, kung kailan kasama ang iba pang freshman at sophomore mula sa iba’t ibang kurso at larangan, ay sama-sama silang nagmamartsa sa parade grounds, natututong sumunod sa utos, hinuhubog sa disiplina at inihahanda ang kanilang sarili sakaling kailanganin ang kani-kanilang serbisyo.
Dapat na kaagad na pagtibayin ng Kongreso ang panukala sa CSTC upang mapirmahan na ito ni Pangulong Duterte bilang ganap na batas upang muli nating maisaayos ang pambansang pulutong ng kabataang Pilipino—ang Citizen Service Corps—na kaagad na mapakikilos, hindi lamang sa gawaing militar, kundi para umayuda sa iba pang pangangailangan ng bansa.