Nanawagan ang gobyerno sa mga miyembro ng Maute Group na sumuko na lang sa mga awtoridad upang maiwasan ang mas marami pang pagkasawi at pagkapinsala ng mga ari-arian at istruktura sa Marawi City, Lanao del Sur.

Sinabi ni Presidential Spokesman Ernesto Abella na nagsasagawa ang militar ng “precision air strikes” sa mga partikular na target upang tuluyan nang malipol ang mga terorista na nananatiling palaban.

“We call on the remaining terrorists to surrender while there is an opportunity,” panawagan ni Abella sa press briefing sa Malacañang kahapon.

Paliwanag niya, ang apela sa mga terorista na sumuko na lang ay makatutulong upang mabawasan ang “damage on the ground definitely and so the civilians will be less affected.”

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Sinegundahan din ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Spokesman Brig. Gen. Restituto Padilla ang nasabing panawagan ni Abella, at umapela sa Maute na sumuko na lang.

Iginiit din ni Abella na sinsero si Pangulong Rodrigo Duterte nang mag-alok ito ng usapang pangkapayapaan sa mga terorista.

“He is very open to dialogue. His sincerity regarding the matter should not be questioned,” ani Abella.

Gayunman, ipagpapatuloy ng pamahalaan ang pakikipagbakbakan kung patuloy na tatanggihan ng Maute ang apela ng gobyerno na itigil na ng mga ito ang pag-atake.

“If you cannot be convinced to stop fighting, so be it. Away na lang tayo,” sinabi ni Pangulong Duterte.

Sinabi rin ni Abella at ng AFP kahapon, batay sa datos bandang 6:00 ng gabi nitong Lunes, na nasa 65 terorista na ang napapatay sa bakbakan sa Marawi, gayundin ang 20 (17 sundalo at tatlong pulis) sa panig ng gobyerno, at 19 na sibilyan.

Dagdag ni Padilla, 69 na sundalo at tatlong pulis naman ang nasugatan hanggang sa ikapitong araw ng bakbakan.

Ayon sa AFP, nasa 85% na ng Marawi ang napasok ng militar sa isinagawang retrieval at clearing operations.

Aabot naman sa 100,000 katao ang nailikas mula sa siyudad, habang 560 iba pa ang na-rescue.

(GENALYN KABILING, FER TABOY at FRANCIS WAKEFIELD)