PINATAOB ng reigning NCAA champion San Beda College ang Lyceum of the Philippines University, 97-79, kahapon para simulan ang kanilang kampanya sa Group B ng 2017 FilOil Flying V Pre-season Premier Cup sa FilOil Flying V Centre.
Tumapos si Robert Bolick na may 16 puntos at siyam na assist upang pangunahan ang nasabing buwena manong panalo ng Red Lions habang nag -ambag si AC Soberano ng 13 puntos at tig-12 puntos naman sina Javee Mocon at Arnaud Noah.
Bagama’t, naging mabagal sa kanilang panimula, nakapagtala ang Red Lions ng 23-fastbreak points na resulta ng 10 turnovers na nagawa ng Pirates.
Napigilan din noong first half, bumawi si CJ Perez sa second half ngunit hindi sapat ang kanyang 15 puntos at pitong rebound na produksiyon para sa Intramuros-based squad.
Dahil sa pagkabigo, bumaba ang Pirates sa kartadang 4-2.
Sa isa pang laro, nakabalik naman sa winning track ang University of Perpetual Help matapos gapiin ang University of the East, 72-68.
Nagtala si Gab Dagangon ng double -double -- 14-puntos at 12-rebound -- para pamunuan ang Altas sa ikalawa nilang panalo sa apat na laro na nagbagsak naman sa Red Warriors sa markang 2-3. (Marivic Awitan)