MAAARING dumoble ang posibilidad na mamamatay sa sakit sa puso o stroke ang mga taong kulang sa tulog, lalo na ang mayroong risk factor gaya ng diabetes, obesity, high blood pressure at cholesterol, pahayag ng mga mananaliksik sa US nitong Miyerkules.
Ang tuklas sa Journal of the American Heart Association ay ibinatay sa 1,344 adults na kinuha para sa sleep study sa Pennsylvania.
Ang average age ng mga kalahok ay 49 anyos, na ang 42 porsiyento ay binubuo ng mga lalaki.
Kinuha sila para sumailalim sa serye ng health screenings, at isang gabing pananatili sa sleep laboratory.
Mahigit 39 na porsiyento ang natuklasang nagtataglay ng hindi bababa sa tatlong risk factors para sa sakit sa puso o tinatawag na metabolic syndrome. Ang mga ito ay kinabibilangan ng body mass index (BMI) na mas mataas kaysa 30, mataas na cholesterol, blood pressure, fasting blood sugar at triglyceride levels.
Sinundan ang mga kalahok sa loob ng 16 na taon. Ang 22 porsiyento sa kanila ay namatay sa loob ng panahong ito.
Ang mga nagtataglay ng metabolic syndrome na wala pang anim na oras ang tulog sa laboratoryo ay 2.1 beses na mas malaki ang posibilidad na mamamatay sa sakit sa puso at stroke kaysa mga wala ng tatlong risk factors sa sakit sa puso.
“The short sleepers with metabolic syndrome were also 1.99 times more likely to die from any cause compared to those without metabolic syndrome,” ayon sa pag-aaral.
Ang high-risk participant na nakakuha ng mahigit anim na oras ng pagtulog ay mas mataas ng 1.49 beses ang posibilidad na mamatay kaysa mas malulusog na partisipante.
Inirekomenda ng mga eksperto na ang matatanda ay matulog ng pito hanggang walong oras bawat gabi.
“If you have several heart disease risk factors, taking care of your sleep and consulting with a clinician if you have insufficient sleep is important if you want to lower your risk of death from heart disease or stroke,” sabi ng lead author na si Julio Fernandez-Mendoza, assistant professor sa Penn State College of Medicine. (AFP)