Iniutos ng Office of the Ombudsman ang pagsibak sa serbisyo sa limang opisyal ng Mayantoc, Tarlac kaugnay ng umano’y maanomalyang Mayantoc Memorial Park project na ginastusan ng P23 milyon noong 2009.
Kabilang sa sinibak sa serbisyo si dating Mayantoc Mayor Tito Razalan; si Rodolfo Corpuz, dating municipal engineer; ang municipal treasurer na si Nilda Salazar; ang dating budget officer na si Florence Bueno; at ang dating administrative officer na si Marilene Bedania.
Ibinaba ng Ombudsman ang nasabing desisyon matapos mapatunayang nagkasala ang mga akusado sa grave misconduct at gross neglect of duty na nag-ugat sa nabanggit na proyekto.
Natuklasan ng fact-finding body ng Ombudsman na nilabag ng limang opisyal ang Republic Act 9184 (Government Procurement Reform Act) nang hindi ito sundin para sa implementasyon ng proyekto.
Tinukoy ng Ombudsman na kabilang lamang sa paglabag ng mga ito ang kawalan ng pre-procurement conference; non-posting o hindi pagpapalathala ng invitation to bid; hindi pagbabayad ng bid documents ng mga bidder sa kabila ng abiso na makakukuha lamang ng naturang dokumento kapag nakapagbayad na ng P5,000; hindi pag-iimbita ng mga observer upang lumahok sa procurement activities; at pagtanggap ng underpayment of performance at warranty securities ng nanalong kontraktor na JQG Construction.
“Records show that Corpuz and Razalan facilitated the release of the payment amounting to P23,048,230.15 to JQG Construction by issuing the certificate of project acceptance and certificate of project completion which was found to be incomplete and inoperational,” saad sa reklamo ng anti-graft agency.
“The Ombudsman also found that Razalan approved and instructed the release of payments to the contractor without securing the certification of the municipal accountant as to the completeness of the supporting documentsm,” bahagi pa rin ng reklamo. (Rommel P. Tabbad)