Sinabi kahapon ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Spokesperson Atty. Aileen Lizada na ikinonsulta niya sa Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang pagtatanggal ng rosaryo at maliliit na santo sa dashboard ng sasakyan, na karaniwang makikita sa mga pampasaherong jeepney.
Paglilinaw niya, tanging mga mobile phone at iba pang electrical gadget ang saklaw ng pagbabawal ng Anti-Distracted Driving Act (ADDA), dahil ang mga rosaryo, mga mumunting imahen ng santo, at iba pang maaaring makasagabal sa paningin ng driver ay matagal nang ipinagbabawal sa Joint Administrative Order (JAO) 2014-01 ng Department of Transportation (DOTr).
Sinabi ni Lizada na bilang Katoliko, kinonsulta niya si CBCP Secretary-General Msgr Marvin Mejia tungkol sa implementasyon ng JAO.
Una nang pumalag ang isang opisyal ng CBCP sa pagpapaalis sa mga rosaryo at iba pang relihiyosong bagay sa dashboard ng sasakyan, sinabing hindi ang mga ito ang nagdudulot ng aksidente sa mga motorista.
“Per his (Mejia) guidance, he states that the Conference understands the implementation of the said law as the same is for the safety of the motorists and finds it a non-issue as sacred symbols are still allowed inside the vehicle,” saad sa pahayag ni Lizada.
Gayunman, itinanggi mismo ni Mejia na pinayagan niya ang pagbabawal sa mga relihiyosong bagay sa dashboard.
Ayon kay Mejia, tiniyak pa nga sa kanya ng LTFRB na walang “total prohibition” sa mga relihiyosong bagay na ipinapalamuti sa mga sasakyan.
“In fact, we are being assured that there would be no prohibition of religious items inside the car as long as it does not impede the driver’s line of sight,” saad niya sa CBCP News.
Bagamat inamin niyang kinonsulta siya ni Lizada, nang tawagan siya sa telepono nitong Lunes, tungkol sa ADDA, sinabi niyang “no talks about approval or something”.
“Who are we?” sabi pa ni Mejia.
Kaugnay nito, nanawagan si Mejia sa mga awtoridad na suriing mabuti ang ADDA upang maresolba ang maraming usaping may kinalaman sa kaligtasan ng mga motorista. (Vanne Elaine P. Terrazola at Leslie Ann G. Aquino)