ASAHAN nang magkakaroon ng direktang biyahe mula sa lalawigan ng Guangxi sa China sa mga pangunahing tourist destination sa bansa, ang Davao, Cebu at Clark sa Pampanga, at tiyak nang maghahatid ito ng karagdagang mga turista mula sa China.

Ito ay makaraang makipagkasundo ang Department of Tourism sa Guangxi Tourism Development Group Co., Ltd. ng gobyerno ng China upang itakda ang mga karagdagang biyaheng ito sa katatapos na “Belt and Road Forum” sa Beijing.

“This undertaking will open up secondary gateways in the Philippines to the Chinese market and bring in additional tourists from mainland China,” saad sa pahayag ni Tourism Secretary Wanda Teo.

Kabilang sa delegasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte, sinabi ni Secretary Teo na madadagdag ang mga chartered flight sa listahan ng mga kumpanya ng eroplano na direktang magseserbisyo sa 13 siyudad sa China para bumiyahe patungong Maynila, Kalibo, Cebu, at Laoag.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Hindi binanggit kung aling kumpanya ng eroplano ang magkakaloob ng serbisyo, o kung kailan ito magsisimula.

Gayunman, inilarawan ng kalihim ang kasunduan bilang “win-win” situation para sa magkabilang panig at nagpahayag ng kasiyahan sa paglulunsad ng nasabing mga biyahe.

“We are excited about Guangxi’s commitment, as we tap its 55 million population of what is considered the Asian center of economy and finance,” dagdag ni Secretary Teo.

Samantala, nangako na rin ang tour operator na Sun Fair International, na may mga tanggapan sa Xiamen at Hong Kong, na magdadagdag ng 10,000 turistang Chinese mula sa mga siyudad ng Shanghai, Xiamen, Chongqing, Chengdu, Hong Kong, at Beijing, simula ngayong buwan.

Ang mga karagdagang turistang Chinese ang bubuo sa iba-ibang grupo ng mga biyahero, kabilang ang mga diver, adventure seeker, negosyante, mamimili, culinary traveller, at maging mga empleyado para sa mga company paid tour, ayon sa Sun Fair International.

Kabilang sa mga panukalang destinasyon sa Pilipinas ang Maynila, Palawan, Bohol, Cebu, Davao, Surigao, Subic, at Negros Occidental. (PNA)