MAY dahilan upang magsingiti ang mga opisyal na nangangasiwa sa ating ekonomiya, kasunod na rin ng pagtaas ng bilang hanggang sa pagtatapos ng unang quarter (Enero, Pebrero, at Marso) ng 2017.
Ang pinakamalaking balita tungkol sa pambansang ekonomiya ay ang P408 bilyon na naiambag ng sektor ng agrikultura ng Pilipinas sa unang tatlong buwan ng taon. Ito ay 8.79 na porsiyentong mas mataas kumpara sa naitala noong nakaraang taon at nagbunsod ng 5.28 porsiyentong pagsulong ng pambansang ekonomiya. Sinabi ni Agriculture Secretary Emmanuel Piñol na ito ay dahil sa magandang klima, bukod pa sa mas madali na ngayon ang pangungutang para sa mga magsasaka.
Ang bulto ng produksiyon ng agrikultura ay nagmula sa sektor ng mga pananim. Tumaas ang produksiyon ng palay at mais sa 12.38 porsiyento at 23.44 na porsiyento, ayon sa pagkakasunod. Ang pagsigla ng produksiyon ay iniulat sa iba pang mga pananim, gaya ng tubo, saging, pinya at tabako. Matagal na nating pinupuntirya ang kasapatan ng bigas, upang hindi na natin kakailanganing mag-angkat ng pangunahin nating pagkain mula sa Vietnam at Thailand, ngunit bigo tayong maisakatuparan ito. Maaaring malapit na natin itong matamo, sakaling hindi na salantain ng mga bagyo at baha ang ating mga palayan sa huling bahagi ng taong ito.
Nakapag-ulat din ang iba pang sektor ng agrikultura ng kaparehong pagsigla ng produksiyon sa nakalipas na unang tatlong buwan ng taon. Nakapagtala ang paghahayupan ng 3.32 porsiyentong pagtaas sa nakalipas na taon. May 1.88 porsiyento ring pagtaas sa manukan, habang 7.95 porsiyento naman ang naitala sa pangisdaan.
Sa kabuuan, ang pagtaas ng Gross Domestic Product (GDP) ay naitala sa 6.4 na porsiyento, ayon sa National Economic and Development Authority, mas mabagal sa 6.6 na porsiyento noong huling quarter, ngunit mas lamang sa mga naitala ng mga kapwa natin bansang ASEAN, ang Vietnam at Indonesia, na parehong nakapagtala ng 5.5 porsiyento, habang 3.3 porsiyento naman sa Thailand.
Sa kaparehong araw na inilabas ng Department of Agriculture ang report nito noong nakaraang linggo, naglabas ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ng sarili nitong magandang balita. Ang mga remittance ng ating mga overseas Filipino worker (OFW) sa unang tatlong buwan ng taong ito ay pumalo sa $7.2 billion, mas mataas ng 8.1 porsiyento sa naitala noong 2016. Ang pangunahing pinagmulan ng mga remittance ay nagmula sa ating mga manggagawa sa Amerika, Canada, United Arab Emirates, Japan, at Hong Kong.
Ngunit ang magandang balita mula sa sektor ng agrikultura ang inaasahan nang magkakaroon ng malaking pagbabago sa ulat na pang-ekonomiya ng bansa ngayong taon. Higit pa sa kontribusyon nito sa kabuuang GDP ay ang magiging epekto nito sa pamumuhay ng mamamayan sa mga lalawigan.
Kahirapan ang pinakamalaking problema ng gobyerno sa kasalukuyan at laganap ito sa mga lalawigan. Sisimulan ang mga pangunahing proyektong imprastruktura sa mga bayan at siyudad sa mga susunod na buwan, kasama na ang pagbubukas ng malalaking pabrika, ang mabilis lumagong industriya ng business process outsourcing, mga hotel at restaurant, at turismo. Inaasam ng mga probinsiya ang pag-alagwa ng agrikultura ng Pilipinas ngayong taon, na magiging susi sa malaking pagbabago sa buhay ng karamihan sa ating mamamayan.