volleyball copy

PINANGUNAHAN ni Myla Pablo ang arangkada ng Pocari Sweat sa krusyal na sandali para maitakas ang 25-17, 25-17, 22-25, 18-25, 15-3 panalo kontra Perlas nitong Martes sa Premier Volleyball League (PVL) sa The Arena sa San Juan.

Kumubra ang beteranong hitter ng 26 puntos, kabilang ang krusyal na opensa sa deciding set para ibigay sa Lady Warriors ang ikalimang sunod na panalo matapos ang masaklap na back-to-back na kabiguan.

Nag-ambag si middle blocker Elaine Kasilag ng 15 puntos at 16 digs, habang kumana sina Jeanette Panaga ng 15 puntos at Cai Nepomuceno na may walong puntos.

Human-Interest

UST, ibinida grades ni Dr. Jose Rizal bilang mag-aaral ng Medisina

Nanguna si Amy Ahomiro sa Perlas na naiskor na 11 puntos.

Bumalikwas naman ang BaliPure sa maagang pagkakadapa upang maagaw ang 26-24, 17-25, 25-23, 28-26 panalo kontra Creamline.

Umiskor si Risa Sato ng 16 puntos, 13 mula sa attack, habang nag-ambag si Jerrili Malabanan ng 15 puntos para pangunahan ang nasabing panalo ng Water Defenders.

Malaking panalo ito para sa BaliPure na bumawi mula sa natamong kabiguan sa kamay ng Perlas noong Sabado na tumapos sa nasimulan nilang 3-game winning run sa torneong patuloy na nilalaro ng All-Filipino crew dahil sa patuloy na pagkaantala ng pagri-release ng ITCs (International Transfer Certificate) ng lahat ng imports ng anim na koponang kalahok.

Samantala, sinabi ni Ricky Palou ng organizer na Sports Vision na naghihintay pa rin sila ng pasabi mula sa LVPI (Larong Volleyball sa Pilipinas, Inc.) at FIVB, ang world governing body ng volleyball hinggil sa hinihintay nilang mga ITCs.

“If we there will be no ITCs after tonight, we’ll be forced to go all-Filipino the rest of the way,” ayon kay Palou.

(Marivic Awitan)