SISIMULAN ng Pilipinas at China ang kanilang pormal na pag-uusap tungkol sa South China Sea ngayong linggo at tatalakayin ang maseselang usapin kaugnay ng kapwa pag-angkin ng dalawang bansa sa ilang teritoryo sa karagatan.
Pinili ni Pangulong Duterte na pag-ibayuhin ang ugnayan ng Pilipinas sa China sa kabila ng pagtatayo ng huli ng mga istruktura sa mga pinag-aagawang bahagi ng South China Sea, sa pag-asang makatitiyak ng bilyun-bilyong dolyar na halaga ng pamumuhunan mula sa Beijing.
“We will inaugurate the bilateral consultative mechanism on issues of particular concern to each side. This is where the sensitive issues will be discussed,” sinabi ni Ambassador Jose Santa Romana nang kapanayamin ng Philippine media sa Beijing.
Ito ang komento ni Santa Romana nitong Sabado ilang araw bago ang pagdalo ni Pangulong Duterte sa One Belt, One Road Summit nitong Linggo at ngayong Lunes—pet project ni Chinese President Xi Jinping.
“The first session will be next week but this will be a session that will continue on a twice-yearly basis, a chance to exchange views on the South China Sea issue,” sinabi ni Santa Romana nitong Sabado.
Inaangkin ng China ang halos buong South China Sea, sa kabila ng una na itong inangkin ng ilang bansa, kabilang ang Pilipinas, Brunei, Malaysia, Taiwan at Vietnam.
Sa kanyang pagtungo sa Hong Kong bago dumiretso sa Beijing nitong Sabado, binigyang-diin mismo ni Duterte ang kahalagahan ng ugnayang pang-ekonomiya sa China sa pagharap niya sa mga Pilipino sa Hong Kong.
“China in all good faith wants to help us. And they are not asking for anything, no conditions. They just want to help. They have so much money,” sinabi niya sa harap ng nasa 1,000 nagtipon sa isang hotel sa Hong Kong.
“I am on friendly terms with China. I am friends with Xi Jinping,” aniya, idinagdag na mag-aangkat ang China ng mga prutas mula sa Pilipinas at mamumuhunan din sa pagtatayo ng mga tulay sa Metro Manila.
Nilinaw ni Santa Romana na ihihiwalay ng administrasyong Duterte ang usapin ng agawan ng teritoryo sa South China Sea habang ipinupursige ang maayos na ugnayang diplomatiko at pang-ekonomiya sa China, idinagdag na nanamlay ang ugnayan ng Pilipinas at China dahil napagitna sa dalawang bansa ang agawan sa teritoryo.
“To put it on a separate track is not to abandon or give up but rather to compartmentalise it,” aniya.
Dadalo ang mga pinuno ng nasa 30 bansa sa forum sa Beijing ngayong linggo, na magtatampok sa plano ni Xi na muling buhayin ang sinaunang Silk Road trade route sa pamamagitan ng pagpopondo sa mga proyekto sa pagpapagawa ng riles, mga kalsada at mga proyektong pandagat sa Asia, Europa at Africa. (Agencé France Presse)