Nagsanib-puwersa ang mga pulis sa Palawan at mga karatig na probinsiya upang samahan ang militar sa mas mahigpit na pagbabantay at paniniktik sa gitna ng mga banta ng pagdating ng Abu Sayyaf Group (ASG) sa lalawigan upang magsagawa umano ng kidnapping.
Sinabi ni Chief Supt. Wilben Mayor, director ng Police Regional Office (PRO)-4B MIMAROPA (Mindoro Oriental at Occidental, Marinduque, Romblon at Palawan), na tuluy-tuloy ang kanilang koordinasyon sa Western Command upang sugpuin ang anumang balak ng ASG sa Palawan.
Naalarma ang mga puwersang pangseguridad upang tiyaking ligtas ang Palawan sa paglabas ng mga ulat hinggil sa balak ng ASG na magtungo sa lugar upang mandukot ng mga dayuhang turista nang mabigo silang makapasok sa kanilang madalas operasyon sa tourist spots sa Malaysia.
Ang pagbabantay sa Palawan ay bahagi ng aral na natutuhan sa insidente sa Bohol nang malusutan ang security forces sa pagdating ng maliit na grupo ng ASG noong nakaraang buwan.
Batay sa intelligence reports, tina-target ng ASG ang Coron at ang iba pang tourist destinations sa Palawan, tulad ng Puerto Princesa Subterranean River National Park.
Habang abala ang pulisya at ang militar sa pagsugpo sa plano ng ASG, nanawagan si Mayor sa publiko na makipagtulungan at maging mapagmatyag sa mga kaduda-dudang tao sa kanilang komunidad. (Aaron B. Recuenco)