SA buhay ng tao, lubhang mahalaga ang ina. Ang ina ang naging “tirahan” ng sanggol sa loob ng siyam na buwan, nagbigay ng sustansiya at buhay upang masilayan ang mundo na malusog at normal. Mula sa Milan, Italy, napabalitang pinuna ni Pope Francis ang pagpapangalan sa pinakamalaking non-nuclear explosive ng US bilang “The Mother of All Bombs”.
Naniniwala ang Santo Papa na hindi dapat gamitin ang salitang “Mother” sa pagtukoy sa isang “deadly weapon.”
Samakatuwid, hindi rin kanais-nais na gamitin ang mga salitang “P...I...Mo” kapag ikaw ay nagagalit. Insulto ito sa Ina ng Tao na labis ang sakripisyo sa pagdadala sa sinapupunan ng sanggol na nagsimula sa paglilihi.
Sa Mayo 14 ay Araw ng Ina o Mother’s Day. Nais kong ipaabot ang aking paggalang at pagmamahal sa isang ina na nagsilang ng sanggol upang maging isang mabuting mamamayan. Sa aking ina sa tulong ng aking ama, nais kong pasalamatan sila sa matiyagang pag-aaruga, pagpapaaral at pagiging patnubay hanggang sa ako’y lumaki at naging isang makata, manunulat at may paniniwala sa Dakilang Diyos. Sa halip na “P... I...Mo” ang dapat ay “Purihin ka Ina.”
Sa caricature ng isang kalabaw sa isang English broadsheet, naibubulalas niya: “Mama Mia! What is happening”?
Ibinagsak ng US Air Force ang ganyang kalaki at kalakas na bomba (“Mother of all Bombs” na kung tawagin ay GBU-43 Massive Ordinance Air Blast, sa pinaghihinalaang kuta ng Islamic State Fighters (ISIS) sa silangang Afghanistan noong nakaraang buwan. Sabi ni Pope Francis: “Nahihiya ako nang marinig ko ang pangalan (Ina). A mother gives life and this one (bomb) gives death and we call this device a mother. What is happening”?
Ibinunyag ni Sen. Panfilo Lacson na may ilang miyembro ng Commission on Appointments (CA) ang nangangamba sa kanilang kaligtasan kapag bumoto laban sa kumpirmasyon nina DSWD Sec. Judy Taguiwalo at DAR Sec. Rafael Mariano. Ang dalawa ay hinirang ni President Rodrigo Roa Duterte bilang mga kasapi ng kanyang gabinete. Sila ay rekomendado ng Communist Party of the Philippines. Nakabitin pa hanggang ngayon sa alanganin ang kanilang kumpirmasyon, kasama maging si Department of Health Sec. Paulyn Ubial.
Ayon kay Lacson, dating hepe ng Philippine National Police (PNP), natatakot ang ilang kasapi ng CA na baka sila tambangan ng NPA rebels kapag nalamang kontra sila sa kumpirmasyon. Ito umano ang dahilan kung bakit sinusugan ng...
24-member ng CA ang alituntunin upang isagawa ang botohan sa secret balloting upang hindi mahayag ang kanilang pangalan.
May mga miyembro ng CA (mga kongresista) na umuuwi sa kanilang distrito o lalawigan na maraming NPA kaya takot sila na sa pag-uwi ay tambangan kapag nalamang kontra sa kumpirmasyon nina Taguiwalo at Mariano. Ang dalawa ay maka-kaliwa at makiling sa CPP-NPA-NDF.
Hinggil sa isyu ng impeachment, naniniwala ang publiko na “suntok sa buwan” na ma-impeach si Mano Digong. Maging si VP Leni ay walang kongresista ang nais mag-endorso sa impeachment complaint laban sa kanya. Gayunman, batay sa mga ulat, baka raw ang ma-impeach ay si Ombudsman Conchita Carpio-Morales na binabalak matanggal sa kanyang puwesto. Abangan na lang natin ang susunod na mga kabanata! (Bert de Guzman)