INAPRUBAHAN ng Committee on Ways and Means ng Kamara de Representantes nitong Miyerkules ang panukalang Comprehensive Tax Reform Package ng administrasyon sa botong 17 ang pabor, apat ang kontra at tatlo ang tumangging bumoto.

Isasalang na ito sa plenaryo ng Kamara para talakayin.

Inaasahang maaaprubahan ng Kongreso—ng Kamara at ng Senado—ang panukalang HB 4774 bago mag-adjourn sa Hunyo 3 upang maging epektibo na ang bagong batas sa Enero 1, 2018. Kumpiyansa naman ang administrasyong Duterte na tataas ang koleksiyon ng buwis na pangunahing layunin ng panukala, upang magkaroon ang pamahalaan ng pondo na kakailanganin nito sa pagpapatupad ng malawakang programang imprastruktura.

Tinawag itong “tax reform” bill dahil nais nitong tapyasan ang individual at corporate income tax rate sa mas makatwirang antas. Napakaraming empleyado ngayon ang nagbabayad ng 32 porsiyentong income tax; na planong ibaba sa 25 porsiyento. Ang buwis sa mga ehekutibong kumikita ng milyun-milyon ay itataas naman sa 35 porsiyento mula sa 32 porsiyento.

Upang mabawi ang inaasahang pagkaunti ng koleksiyon ng buwis dahil sa mga pagbabagong ito, dadagdagan ng panukala ng bago at mas mataas na buwis ang ilang bilihin, at dito tinututulan ng maraming mambabatas ang terminong “reporma” para sa mga probisyong ito. Ang mga probisyong ito ay kontra-maralita, ayon kina Sen. Ralph Recto, Ako Bicol Party-list Rep. Rodel Batocabe, Cooperative Network Rep. Anthony Bravo, at Bayan Muna Rep. Isagani Zarate, na nagsabi nang makikibahagi sila sa mga debateng ilulunsad sa Kongreso.

Kabilang sa mga bagong buwis ang sa diesel, na sa una ay itatakda sa P3 kada litro, na itataas sa P5 sa 2019, at gagawing P6 sa 2020. Ginagamit ang diesel sa mga bus at freight truck, kaya ang diesel tax ay kalaunang magbubunsod sa mas mataas na pasahe at pagmamahal ng presyo ng mga produktong ibiniyahe ng truck. Ang kaparehong P6 buwis ay ipapataw naman sa kerosene at liquefied petroleum gas (LPG), na ginagamit naman sa maraming tahanan; at sa bunker oil, na sangkap sa paglikha ng kuryente.

Sa isa pang probisyon ng panukala, tinanggal ang VAT exemption para sa mga kooperatiba. Ang mga kooperatiba ay hindi itinatag para kumita gaya ng mga korporasyon, ayon sa isang kongresista. Makaaapekto ang panukala para sa bagong buwis sa milyun-milyong kasapi ng kooperatiba na karamihan ay mahihirap na nasa mga lalawigan.

Maging ang mambabatas mula sa administrasyon na si Negros Occidental Rep. Arnulfo Teves, Jr. ay nagsalita rin laban sa panukalang “tax reform”, tinawag itong “deceptive.” “Before we start imposing additional taxes,” aniya, “we should first improve our collection on present taxes and duties due the government.”

Dahil sa mga probisyon ng panukalang pagbubuwis na itinuturing na kontra-maralita, inaasahang hindi kaagad maaaprubahan ang panukala dahil sa inaasahan nang mainitang debate sa Kamara at Senado. Ang masusing paghimay sa panukala ay dapat na magresulta sa mas patas na batas sa pagbubuwis na magbibigay ng konsiderasyon sa sektor ng mahihirap sa Pilipinas, habang kinakalap ang pondong kinakailangan para sa mga planong pangkaunlaran ng gobyerno, partikular na ang programa nito sa imprastruktura.