Naaresto ng pinagsanib na puwersa ng 17th Infantry Battalion ng Philippine Army, Intelligence Support Unit, 5th Infantry Division ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Peñablaca Police nitong Huwebes ng hapon ang isang mataas na opisyal ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CNN) sa Peñablanca sa Cagayan.
Sinabi ni Ltc Rembert R. Baylosis, commanding officer ng 17th IB, na si David Soriano ay regional secretary ng Komiteng Rehiyon ng Hilagang Silangan ng Luzon ng NPA-Northern Front, na naaresto sa Barangay Camasi sa Peñablanca.
Kasabay nito, dinakip din ng mga pulis si Jude Malana Cipriano, ang nagmaneho ng Hyundai Starex van (WML-500) para kay Soriano.
Binabagtas ng mga suspek ang provincial road sa Peñablanca nang maharang sila ng pinagsanib na puwersa ng militar at pulisya dakong 2:00 ng hapon nitong Huwebes.
Nakumpiska sa mga suspek ang dalawang .9mm caliber pistol, na natuklasang pag-aari ng Philippine National Police, isang fragmentation grenade, isang rifle grenade, at mga subersibong dokumento.
Si Soriano ay itinuturing na most wanted person sa Region 2 at sinasabing sangkot sa mga high-profile crime sa rehiyon.
Si Soriano rin ang itinuturing na utak sa pag-ambush sa mga pulis sa Baggao noong Pebrero 2016, na ikinamatay ng 10 awtoridad.
Sinasabing si Soriano rin ang pangunahing suspek sa pagpatay kay Gonzaga, Cagayan Mayor Carlito Pentecostes, Jr. noong 2015.
Samantala, bilang diversionary tactics ng NPA sa rehiyon ay nilusob ng nasa 30 rebelde ang police sub-station sa bayan ng Amulung sa Cagayan, at tinangay ang apat na M16 at dalawang .9mm caliber pistol. Sinunog din umano ng mga rebelde ang isang Mahindra patrol vehicle ng presinto baka nagsitakas.
Nabatid na pinaggugulpi at pinahirapan din umano ng mga rebelde ang ilang pulis-Amulung. (Liezle Basa Iñigo)