ISA sa pinakamainit na usapin nitong nakaraang mga araw ay ang hakbang ni Davao del Norte representative at House Speaker Pantaleon Alvarez na paimbestigahan ang Tagum Agricultural Development Co., Inc. (Tadeco) ng pamilya ni Cong. Tony Boy Floirendo kaugnay ng banana plantation nito sa lupain ng Davao Penal Colony (DAPECOL) na nasa ilalim ng Bureau of Corrections (BuCor).

Kaakibat sa masalimuot na usapin ang umano’y mga pandaraya at pagtataksil. Nakatitigatig ang mga implikasyon at pangmatagalang epekto ng hakbang ni Alvarez sa kung paano isinasaayos ng penal colony ang buhay at kinabukasan ng mga preso.

Hindi gaanong malinaw ang pinagmulan ng gusot na humantong sa pagpapasiyasat ni Alvarez, ngunit batay sa mga isinapubliko na, tila hindi alintana ng Speaker ang maaaring maging resulta ng kanyang pagkilos sa buhay ng kaawa-awang mga wage-earner na umaasa lamang sa plantasyon ng Tadeco.

Lumalabas na ang kasunduang BuCor-Tadeco ay mistulang biktima ng hidwaang personal ng dalawang maimpluwensiyang pulitiko na naglalagay sa panganib sa mga preso at sa institusyong nangangasiwa para maisaayos ang pamamahala sa mga piitan.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Maaaring tama si Alvarez sa katwiran niyang hindi lamang siya ang may romantikong pakikipag-ugnayan, ngunit ano ang kaugnayan nito sa kahihinatnan ng DAPECOL? Kung totoo ngang may mga depekto ang kasunduang Tadeco-BuCor, basehan ba ito para ituring na banal ang Speaker?

Matagal nang kinaiinggitan ng iba pang penal colony sa bansa ang eksperimento ng DAPECOL at Tadeco. Sa DAPECOL kasi nakaatang ang pagmulat sa mga preso sa kahalagahan ng ‘restorative justice.’ Ang banana plantation ng Tadeco sa mga lupain nito ang nagiging paraan upang makapagbagong buhay ang mga preso at maging kapaki-pakinabang silang mamamayan, at kumikita para sa kanilang mga pamilya habang nakapiit. Ang gawing produktibo ang mga ito ang bagong prinsipyo at landas sa penolohiya.

Sa malayong pananaw, ang mga pagkakamaling nakita ni Alvarez sa Tadeco-DAPECOL joint venture ay maaaring may basehan ngunit kailangang suriin itong mabuti... upang mabatid kung saan talaga at kung anu-ano ang mali, kung mayroon man.

Tiyak na ang usapin ay hindi tungkol sa upa ng lupain. Higit na kailangang busisiin ang iba pang bagay na magbibigay ng ibayong pakinabang sa estado, lalo na ang tungkol sa buwis, trabaho at kapakanan ng mga bilanggo.

Ang matinding banta sa DAPECOL ay nag-ugat umano sa away ng mga siyota. Hindi ito dapat maging dahilan para palalain ang hidwaang pulitika at ilagay sa alanganin ang DAPECOL. Kakitiran ito ng isip. Tama na ang pagpapa-epal at kawalan ng malasakit. (Johnny Dayang)