HINILING ng North Korea ang tulong ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) kaugnay ng lumalala nitong alitan sa Amerika. Lumiham si Pyongyang Foreign Minister Ri Yung-Ho sa ASEAN secretary-general upang kondenahin ang taunang military exercises ng Amerika at South Korea na, aniya, ay nagbabantang magbunsod ng nuclear holocaust sa Korean Peninsula.
Ito ang dahilan kaya hinahangad ng Pyongyang na lumikha ng sarili nitong nukleyar na armas at mga missile na magagawang sumapol sa pusod ng Amerika, ayon kay Minister Ri. Inatasan ni US President Donald Trump ang aircraft carrier na USS Carl Vinzon at ang strike group nito na makibahagi sa war exercises ngayong taon. Nasa karagatan na ito ngayon ng silangan ng Okinawa, malapit sa North Korea.
Tunay na dapat na mabahala ang North Korea tungkol sa intensiyon ni President Trump, na nagpamalas na ng kanyang kahandaan sa mga hakbanging militar. Noong unang bahagi ng nakalipas na buwan, inutusan niya ang dalawang US destroyer na magpaulan ng 59 na cruise missile sa isang paliparan kung saan nagmula ang mga eroplanong Syrian na nagsagawa ng chemical weapons raid, na ikinasawi ng 86 na sibilyan. Kaagad niya itong sinundan ng pambobomba sa mga kuweba at tunnel na nagsisilbing kampo ng mga rebeldeng Islamic State na lumalaban sa gobyerno ng Afghanistan. Sa kaso ng North Korea, hiniling niya na mamagitan ang China upang pigilan ang kaalyado nito, ngunit kung walang magagawa ang China, sinabi ni Trump na handang kumilos nang mag-isa ang Amerika.
At dahil ang Pilipinas ang chairman ng ASEAN ngayong taon, si Pangulong Duterte mismo ang tumugon kay Minister Ri. Sinabi niyang kapwa malinaw na napakalaking banta sa rehiyon, kabilang na sa Pilipinas, ang babalang nukleyar ng Pyongyang laban sa Amerika at South Korea, at ang pagpapadala ni President Trump ng aircraft carrier na Carl Vinzon malapit sa North Korea. Hinimok niya ang Pyongyang na maging pasensiyoso at iwasang magkaroon ng anumang marahas na reaksiyon. Kasabay nito, nakiusap siya sa China na gawin ang lahat upang mapakalma ang kaalyado nito.
Kalaunan, nagpalabas ng opisyal na pahayag ang mga foreign minister ng ASEAN na humihimok sa North Korea na tumupad sa lahat ng obligasyon nito alinsunod sa mga resolusyon ng United Nations at pigilan ang sarili sa anumang marahas na balakin. Hinikayat din nila ang pagpapatuloy ng diyalogo sa Korean Peninsula.
Sa loob ng maraming taon, nagpapalitan ang dalawang Korea — na parehong hindi lumagda sa kasunduang pangkapayapaan kahit pa nagwakas ang Korean War noong 1950-53—ng mga batikos at patutsada, bukod pa sa hayagang banta ng pangwawasak. Sa pagkakahalal ni President Trump, pinili ngayon ng North Korea na umapela ng tulong sa ASEAN, na ang mga kasaping bansa ay tiyak na maaapektuhan sakaling magkaroon ng aktuwal na digmaan.
Matutuloy ang war games ng Amerika at South Korea. Ngunit umaasa tayong hindi magkakaroon ng anumang direktang pag-atake, gaya ng pagpapaulan ng Amerika ng missile sa Syria at pambobomba sa mga tunnel sa Afghanistan. Kapag lumipas na ang mapanganib na sitwasyong ito, maaari nang ikonsidera ng dalawang bansa ang negosasyon upang tuluyan nang matuldukan ang digmaang pareho nilang ipinaglaban 64 na taon na ang nakalilipas.