Ni ADOR SALUTA

Kim Chiu at Gerald Anderson
Kim Chiu at Gerald Anderson
FIRST time yata na magiging paksa ng isang teleserye ang sports. Dahil ang pagiging sports lover o pagiging triathlon enthusiast ang magiging sentrong tema ng Ikaw Lang Ang Iibigin, ang bagong seryeng pinagbibidahan nina Gerald Anderson at Kim Chiu.

Unang nabalitaan na sa Primetime Bida eere ang kanilang serye, pero kasabay ng announcement last week tungkol sa pilot nito ang pahayag sa bago nitong time slot.

Unlike their previous series na naging suki sa Primetime Bida, ang Ikaw Lang Ang Iibigin sa umaga mapapanood, bago ang It’s Showtime, simula ngayong araw.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

Mag-react man ang dalawang stars, wala na silang magagawa sa desisyon ng management na eere sa maaga ang kanilang programa.

“Personally, sa akin ang pinakaimportante basta magkaroon kami ng platform, ng oras at pag-asa na mapakita pa rin namin sa tao ‘yung produkto namin,” sabi ni Gerald. “Basta maganda at naniniwala kami sa produkto namin hindi importante kung anong oras, basta alam namin na ‘binigay namin ang lahat du’n. ‘Yun na ‘yun, eh, bakit pa kami magrereklamo?”

Walang isyu para kay Kim ang bagong time slot, sa katunayan ay excited siya sa pagbabagong ito.

“Siyempre, this is something new para sa amin. Ilang years na din kami sa showbiz, eleven years, and nasanay silang panoorin kami sa gabi. Ngayon, umaga naman. So, sana suportahan nila kami and we’re very excited naipapalabas na ‘yung show namin. Kasi dati hindi namin alam kung kailan kami ipapalabas, so now ito na ‘yun, lahat ng pinaghirapan namin, lahat ng effort na ‘binigay namin mapapanuod n’yo na siya,” masayang paanyaya ng dalaga sa viewers.

Aniya pa, wala sa oras ‘yun. Kung gusto silang panoorin, papanoorin sila.

“Kaya gusto namin magpasalamat in advance sa suporta na ibibigay nila sa tanghali. Heto nga ‘yung comeback namin is different dahil tanghali kami nasa telebisyon. Sana suportahan n’yo kami,” sabi pa ni Kim.

Nagkalapit ang loob nina Kim at Gerald noong magkasama sila as housemates sa Pinoy Big Brother Teen Edition, taong 2006. Nabuo ang isang relasyon, at kalaunan ay naghiwalay. Sa kanilang reunion sa serye, wala naman daw gaanong pagbabago sa kanilang dalawa.

“Nakakatuwa kasi ganu’n pa rin siya in a good way,” paglalarawan ni Gerald kay Kim. “Siyempre ang tagal na hindi kami nagsasama lalo na sa trabaho -- na three times a week magkakasama kami dati. Pero ang nakakatuwa kahit ano pa’ng nangyari alam ko ‘yung narating niya. Ganu’n pa rin siya. Iba ‘yung energy niya ngayon. Siya lang ang may ganu’ng energy. Sobra. Minsan kailangan ko lumayo kasi grabe ang energy niya. Daig pa ang energizer. Siya ‘yung energizer bunny, hindi nauubusan, pero it’s great. It’s amazing sa set kasi nga from the cast, sa crew, lahat, nakakahawa ‘yung energy niya. And it’s great to work with people katulad niya na ganu’n ka-passionate sa trabaho kahit pagod na. ‘Yung isa pang na-discover ko, dati pa, grabe na ‘yung determination niya pero ngayon ibang klase. Ngayon lang ako nakakita ng tao na walang tulog galing sa shooting dumiretso sa isang 21K. Amazing. Hands down. Kasi mahirap ‘yun, mentally and physically napakahirap nu’n.”

Ayon kay Kim, ibang Gerald na raw ang kanyang kasama ngayon, isang seryosong aktor sa kanyang craft.

“Kasi ngayon tahimik na talaga si Gerald. Quiet siya sa isang sulok. ‘Pag madami na nagsasalita sa paligid pupunta na siya ng kotse, mag-ha-hibernate na siya dun pag maingay na kaming lahat. Siguro sign of aging ,” sabay tawa. Aniya pa, “Iba yung maturity niya eh. In the zone siya lagi,” ani Kim.