PINAL nang nagpasya ang Korte Suprema sa usapin ng Torre de Manila condominium building sa Maynila dalawang taon makaraang maghain ng petisyon ang Order of the Knights of Rizal upang ipatigil ang konstruksiyon ng gusali at isulong ang pagpapagiba rito. Binawi rin ng hukuman ang temporary restraining order (TRO) na ipinalabas nito noong Hunyo 2015, kaya maaari nang magpatuloy ang pagkumpleto sa gusali.
Sa petisyong inihain noong Setyembre 2014, iginiit ng Order of the Knights of Rizal na sinisira ng Torre de Manila ang tanawin sa Rizal Monument sa Luneta Park. “No one can take a photo of the Rizal shrine without also capturing the high-rise condominium at its back,” saad sa petisyon.
Gayunman, binigyang-diin ng Korte Suprema na, “There is no law that prohibits the construction of the challenged Torre de Manila.” Walang anumang probisyon sa mga tinukoy na batas — ang RA 10066, National Cultural Heritage Act of 2009; RA 4846, Cultural Preservation and Protection Act; at RA 7356, na lumilikha sa National Commission on Culture and the Arts — na nagbabawal sa pagpapagawa ng anumang istruktura na makaaagaw ng atensiyon, makasisira, o makatatabing sa paligid o likuran ng anumang monument o parke, ayon sa korte.
Dahil ang korte ay tagapagpatupad ng batas, at nagpapasya batay sa mga umiiral na batas, hindi nito maaaring suportahan ang punto ng Knights of Rizal na nakasisira sa tanawin ng monumento ni Rizal ang Torre de Manila na nakatirik nang malayo — ilang bloke ang distansiya — sa rebulto.
Ganito rin ang nangyari sa sa kaso ng petisyon upang pigilan ang paghihimlay kay dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani. Iginiit noon ng Korte Suprema na walang umiiral na batas na nagbabawal sa paglilibing kay Marcos doon; sa katunayan, ang mga dating sundalo at presidente ng bansa ang partikular na nakatala bilang mga kuwalipikadong maihimlay sa Libingan.
Ayon sa oposisyon, si Pangulong Marcos — na sinuspinde ang mga demokratikong institusyon sa bansa, gaya ng Kongreso, at ilang taong pinamunuan ang bansa sa ilalim ng batas militar—ay hindi bayani, kaya hindi maaaring ihimlay sa Libingan ng mga Bayani, isang pangalan na literal na nangangahulugan ng himlayan ng mga bayani. Subalit walang batas na nagsasabing ang Libingan ay para lamang sa mga bayani ng bansa. Kinailangang magdesisyon ng Korte Suprema ayon sa mga umiiral na batas.
Gaya ng kaso ng Libingan, inaasahan nang kukuwestiyunin ng maraming sektor ang pasya ng Korte Suprema sa usapin sa Torre de Manila, at maaaring magpatuloy ang debate sa loob ng maraming taon. Ang solusyon sa parehong kaso ay ang magpasa ang Kongreso ng mga partikular na batas na sumasaklaw sa mga usaping iginigiit ng mga tumututol. Sa huling kaso, dapat na tukuyin sa bagong batas na ang alinmang istruktura, gaano man kalayo, ay hindi dapat na makaapekto sa tanawin ng Rizal Monument sa Luneta. Ang bagong batas na ito ay hindi naman maaaring maipatupad sa lumang kaso, ngunit mapipigilan nitong maiwasan ang kaparehong kontrobersiya.