BUTUAN CITY – Makalipas ang dalawang buwan at 18 araw na pagkakabihag sa Bukidnon, pinalaya na ng New People’s Army (NPA) nitong Huwebes si PO2 Antony P. Natividad sa Sosyalon area sa Barangay Dominorog, Talakag, Bukidnon, iniulat kahapon ng Police Regional Office (PRO)-10.
Pinalaya si Natividad sa covered court ng barangay sa gilid ng national highway sa Bgy. Dominorog, ayon sa pulisya.
Iprinisinta ng NPA custodial force, sa ilalim ng Mt. Kitanglad-South Regional Operational Command, sa publiko si Natividad sa maikling programa nang pagtanggap ng third party facilitator sa pinalayang pulis.
Pebrero 9, 2017 nang dukutin ng NPA si Natividad makaraang harangin ito sa Bgy. Tikalaan sa Talakag.
Kaagad namang dinala si Natividad sa himpilan ng Kalilangan Municipal Police para sa debriefing bago siya dinala sa tanggapan ng Bukidnon Police Provincial Office, at pagkatapos ay ibinalik na siya sa kanyang pamilya, ayon sa PRO-10.
Samantala, makalipas ang tatlong buwang pagkakabihag ay nakatakda na ring palayain ng NPA si Private First Class Erwin R. Salan, ng 30th Infantry Battallion (30th IB) ng Philippine Army.
Dinukot si Salan ng 15 armadong rebelde nang pangunahan niya ang clean-up drive ng kabataang volunteer sa kagubatan ng Lumondo Falls sa Bgy. Budlingin, Alegria, Surigao del Norte noong Enero 29, 2017.
Sinabi ni Ka Oto, tagapagsalita ng Guerilla-Front Committee 16 ng NPA Northeastern Mindanao Regional Committee, na palalayain na nila si Salan anumang oras mula ngayon. (MIKE U. CRISMUNDO)