Hinuli ng mga tauhan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang driver ng isang colorum van na nagpakilalang pulis, nitong Miyerkules ng umaga.

Ini-report ni Milbert Cartagena, LTFRB inspector, sa pulisya ang kanilang pagkakahuli sa isang van na puno ng pasahero sa pagitan ng NAIA Road at Tambo service road sa Parañaque City, bandang 7:00 ng umaga nitong Miyerkules.

Namataan ng LTFRB enforcers ang isang Nissan Urvan NV350 (OV-4445) sa kahabaan ng NAIA road habang nagsasagawa ng random inspection sa lugar noong oras na iyon.

Nagpakilala ang driver, nang kumprontahin, bilang Police Officer 3 Jun Ancheta. May dala siyang baril, ayon kay Cartegena.

National

Clothing store, nag-sorry sa customer na pinaalis dahil sa stroller ng anak na PWD

Sinabi ni Cartegena na pinara na niya ang van ni Ancheta nang makita niya ito, 10 metro ang layo sa kanilang puwesto.

Sa pag-aakalang hihinto ang van, sinabi ni Cartagena na biglang niliko ni Ancheta ang manibela sa Tambo service road, na nauwi sa habulan na nakunan ng closed-circuit television (CCTV) camera.

“I did not hesitate to run after him because I knew the road was narrow and he would meet other vehicles along the way,” pahayag ni Cartagena sa Balita.

Nakorner ang van nang harangin ng paparating na kotse ang kanyang daraanan, ngunit tinangka pa rin umano ni Ancheta na tumakas.

“I had to fold his side mirrors so he would stop. He refused to open his window at first,” aniya.

Kinumpiska ng mga enforcer ang lisensiya ni Ancheta at certificate of registration ng kanyang sasakyan.

Nang imbitahan nila ito sa tanggapan ng LTFRB sa Quezon City, nagpumilit ang pulis na iwan ang kanyang van sa covered court sa halip na i-impound ito.

“’Pulis ako. Sasama ako sa inyo pero iiwan natin ang sasakyan ko,’” sabi umano ni Ancheta kay Cartagena.

Hindi naman siya sinisigawan, sinabi ni Cartagena na tumaas ang boses ni Ancheta. At upang maiwasan ang komosyon, hinayaan niyang umalis si Ancheta at ini-report na lamang ang insidente sa awtoridad.

Ayon kay LTFRB board member at spokesperson Aileen Lizada, nakatalaga si Ancheta sa National Capital Region Police Office’s Regional Personnel Holding and Accounting Unit at isa sa daan-daang pulis na sinuspinde dahil sa iba’t ibang kaso.

Bumibiyahe ang 18-seater van ni Ancheta mula Muntinlupa hanggang Pasay City at sinisingil ang kanyang mga pasahero ng P45.

Nakatakdang mag-isyu ng show cause order ang LTFRB laban sa pulis. At ipinakiusap din na isuko ang kanyang van.

“We want the van, he should go though the hearing. We have a process for that,” ayon kay Lizada.

Pinagmumulta si Ancheta ng P200,000 dahil sa pag-o-operate ng colorum na sasakyan na i-impound sa loob ng tatlong buwan. (VANNE ELAINE P. TERRAZOLA)