SINO’NG mag-aakala na makatutuntong si Boy Commute sa Singapore?
Nitong nakaraang linggo, mistulang nanalo si raffle si Boy Commute matapos siyang mapagkalooban ng libreng tour sa Singapore upang dumalo sa launching ng Harley-Davidson Street Rod 750. Ito’y isang uri ng motorsiklo na bagamat big bike, maaari itong isabak sa trapiko dahil mas maliit at mas magaang kung ikukumpara sa ibang malalaking motorsiklo.
At dahil itong isang motorcycle event, nagkaroon ng pagkakataon si Boy Commute na makasakay sa mamahaling motorcycle brand at maikot ang napakagandang Singapore.
Right hand drive ang mga sasakyan sa Singapore. At dahil dito, sa kaliwa dapat manatili ang mga sasakyan habang ang mga kasalubong ay nasa kanan. Ito ay kabaligtaran ng mga sasakyan sa ‘Pinas.
Exciting magmotor sa Singapore. Malinis ang hangin, madalang ang trapiko at disiplinado ang mga driver.
Wala kang makikitang basura na nakakalat. Wala ring istambay.
Nagkalat ang exotic sports car at luxury vehicle tulad ng mga Ferrari, Lamborghini, Porsche at Mercedes-Benz. Ganun din sa mga motorsiklo.
Subalit hindi tulad ng Pilipinas na halos okupahin ng mga motorsiklo ang buong kalsada dahil sa dami, kakaunti ang motorsiklo sa Singapore.
Malaki ang kaibahan ng Singapore sa ibang bansa sa Asya, kabilang ang Pilipinas, kung ang dami ng motorsiklo ang pag-uusapan.
Nang tanungin ko ang aming Singaporean guide kung bakit kakaunti ang mga motorsiklo sa kanilang bansa, ang sagot niya: Maayos at maaasahan kasi ang kanilang mass transport system kaya hindi masyadong kailangan ang mga motor.
Sa Singapore, ang motorsiklo ay isang leisure item. Kung mayroon mang ginagamit ito bilang transportasyon sa pagpasok sa trabaho o paaralan, ito ay kanilang desisyon.
Napakahigpit din ang awtoridad sa mga nakamotorsiklo. Hindi tulad sa Pilipinas na ang isang lisensiya ay maaaring gamitin sa lahat ng uri ng motor, sa Singapore, may iba’t ibang level ang motorcycle license.
Sa Singapore, hindi maaaring mag-umpisang matuto agad ang isang rider sa malalaking motorsiklo. Dapat sa small bike muna sila mag-umpisa.
At habang lumalawak ang karanasan nila sa pagmomotorsiklo, tsaka sila kukuha ng bagong lisensiya para sa mas malaking motorsiklo.
Ayon sa ating mga kaibigang Singaporean, mahirap makapasa sa pagkuha ng lisensiya ng motorsiklo sa kanilang bansa.
Walang palakasan, walang lagayan.
Sa aming paglilibot sa maliit na bansang ito, nakita namin kung gaano ka-disiplinado ang mga rider.
Kailan kaya magiging ganito sa ‘Pinas? (ARIS R. ILAGAN)