LUMANG tugtugin na ang palaging dighay na pinapalipad tuwing nagkakaroon ng giyera sa isang sulok ng bansa. And’yan ang kaisipang hindi maiwasan bigkasin ng ilang kababayan, akademiko, media, atbp. ayon sa sumusunod: 1) “Sa digmaan walang nananalo”; 2) “Tuwing may giyera, sibilyan lagi kawawa”; 3) “Kung walang sundalo sa aming lugar, walang labanan”; 4) “Kelan pa magwawakas ang putukan para maka-uwi na kami sa aming mga tahanan?”

Kumbaga, ang tapunan ng sisi ay ang labanan, o ‘di kaya, pagkakaroon ng mga sundalo sa nasabing bakbakan. Mukhang tagilid ang ganitong uri ng kamulatan.

Una, kung sasabihing walang nananalo sa giyera, sumuko na dapat tayo noon sa Hapon? Ikalong na lang natin sa kalaban ang ating nayon at komunidad. Pangalawa, hindi lang sibilyan ang kawawa sa armadong tagisan, bagkus, mga sundalo (pulis) kapag may tinutugis na terorista o kriminal dahil buhay pinupuhunan nila sa pagtupad ng tungkulin na tayo (sambayanan) ang nag-atas. Ibig sabihin ba nito ay ang may kasalanan sa gulong nagaganap ay ang presensiya ng sundalo o pulis? O dahil may mga armadong tao o grupo na lumabag sa batas ng Republika na dapat habulin, hulihin at isakdal sa Hukuman?

Ito, upang mapanatili ang kaayusan at katiwasayan ng ating lipunan. Ang dapat putukan ng butsi ay ang mga taong lumalabag sa ating batas. Titigil lang ang barilan kapag sumuko sila may kapangyarihan, lumayas at kumaripas sa ating barangay.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Ayon kay St. Augustine at St. Aquinas, may tinaguriang “Makatarungang digmaan.” Batayan nila ay Bibliya sa Roma 13:4 na ang pamahalaan ay pinili ng Diyos, at may espada ito para bakahin ang mga kamalian. Ayon kay St. Augustine, bagamat pangit ang giyera, hindi ito ang pinakamasamang tahakin. Maaari ang giyera sa pagpapatupad ng mahalagang responsibilidad, pagpigil sa ‘di kanais-nais na resulta, o matinding kasamaan.

Si St. Aquinas naman: 1) Ang tagapagpatupad ng giyera ay ang nararapat at itinalagang pamahalaan; 2) Kabutihan at makatarungan ang layunin ng labanan at hindi pansariling bentahe; 3) Kapayapaan ang pangunahing motibo sa gitna ng dahas.

Pananaw ng dalawa, ang Kristiyano ay bahagi ng pamahalaan, kaya hindi masama protektahan ang kapayapaan!

(Erik Espina)