LONDON (AP) — Muling nanaig ang husay sa marathon ng Kenyan runner nang makamit ni Mary Keitany ang women’s class sa bagong record at naisubi ni Daniel Wanjiru ang men’s race nitong Linggo (Lunes sa Manila).

Nakumpleto ng 35-anyos na si Keitany ang byahe sa distansiyang 26.2-mile (42.2 km) sa tyempong dalawang oras, 17 minuto at isang segundo para burahin ang 12-year record ni Paula Radcliffe nang 41 segundo.

Pangalawang nakatawid si Tirunesh Dibaba, may 55 segundo ang layo kay Keitany at pangatlo ang Ethiopian ding si Aselefech Mergia.

“It was very fast pace and I tried to follow it,” pahayag ni Keitany.

'Aapela raw!' John Amores 'di tanggap pagkawala ng professional license?

Hindi kabilang sa mga kalahok si women’s defending champion at kababayan ni Keitany na si Jemima Sumgong, nasuspinde bunsod ng pagpositibo sa blood booster EPO sa surprise out-of-competition doping test sa Kenya nitong Pebrero.

Kabilang sa mga sumaksi sa event sina Prince William, maybahay na si Kate at nakababatang kapatid na si Harry.

Naitala ng 24-anyos na si Wanjiru ang dalawang oras, limang minuto at 48 segundo para sa unang major marathon title.

Nakabuntot sa kanya sina Kenenisa Bekele ng Ethiopia, at Bedan Karoki.

“In the beginning the race was very fast and we were inside world record pace. It was the pace I was preparing for,” pahayag ni Wanjiru sa BBC.