WALANG pakialam si Ina Feleo sa bashers nang malaman ng mga sumusubaybay sa Destined To Be Yours kung ano ang role na gagampanan niya.
Hindi nga naman siya ka-love triangle nina Alden Richards at Maine Mendoza, dahil gumaganap siya bilang younger sister ni Gabriel, ang ama ni Benjie (Alden).
Ibang klase siyang kontrabida, dahil ayaw niyang may makahati sa yaman ng mga Rosales.
“Kaya kung minsan, kapalitan ko sila ng tweets kapag may ginawa ako kay Benjie,” kuwento ni Ina. “Like ngayon, may mga masasama akong balak kay Benjie para mapatalsik ko siya sa aming company at sa pagtingin ng papa ko at Lolo Vicente (Tommy Abuel) niya.”
Kumusta namang katrabaho sina Alden at Maine?
“Mas maraming beses na kaming magkasama ni Alden sa mga eksena at wala akong masasabi sa husay niya bilang actor. Napakabait pa at napaka-gentleman. Nakita ko na rin siyang mag-drama at alam mong may pinaghuhugutan siya ng acting niya.
“Si Maine, iilan pa lang ang eksenang magkasama kami, pero magkasama kami sa tent, kaya nakikita ko ring mabait siya, tahimik, pero minsan makikita mo rin siyang nagpapatawa. Di ba una siyang nakilala as dubshmash queen nga? Pero based sa napanood ko nang mga eksena niya, hindi magtatagal magiging mahusay din siyang actress. Kayang-kaya niyang dalhin ang character na ginagampanan niya bilang si Sinag.
“At nakikita ko rin kung paano maging maasikaso lagi si Alden kay Maine. Ganoon din naman si Maine, kapag sabay silang kumakain sa set. At bilib na bilib din ako sa tibay ng katawan nila sa puyat at trabaho. Minsan nga biniro ko sila kung talagang iyong iniinom nilang gatas ang nagpapalakas sa kanila. Natawa lang sila.”
Ang Destined To Be Yours ay napapanood sa primetime block ng GMA 7, pagkatapos ng Encantadia. (Nora Calderon)